Ang wagas at walang kapantay na pagmamahal ng Diyos para sa bawat isa ang ipinagdiriwang ng bawat Kristiyano sa Banal na Misa.

Ito ang pagninilay ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa paggunita ng Corpus Christi o Solemnity of the Most Holy Body and Blood of Christ.

Ayon sa Obispo na siya ring Chairman ng CBCP-Epsicopal Commission on the Laity, walang kapantay ang pagmamahal ni Hesus na inialay ang kanyang katawan at dugo para sa sangkatauahan.

Iginiit ni Bishop Pabillo na ito rin ang pangunahing dahilan ng paninindigan ng Simbahan na ang pagsasagawa ng Banal na Misa ay dapat na ituring na “essential” lalo na sa kasalukuyang panahon ng pandemya kung saan walang katiyakan ang buhay ng bawat isa.

“Ito po ang ipinagdiriwang natin sa bawat misa – ang pagmamahal ni Jesus na nag-alay ng kanyang katawan at dugo sa atin. Mahalaga ang paala-alang ito sa ating panahon. Kaya nga pinaninindigan natin na ang Banal na Misa ay essential, mahalagang mahalaga sa panahong ito. We need the assurance; we need the grace of God’s love for us in this pandemic! Everytime we celebrate mass we are reminded of God’s covenant of love with us and God’s commitment to us. We in turn renew our commitment to him by loving one another.” Ang bahagi ng pagninilay ni Bishop Broderick Pabillo.

Ibinahagi ng Obispo na kalakip ng pananampalatayang Kristiyano ay ang paniniwala sa walang kapantay na pagmamahal ng Diyos sa bawat isa na makakapitan sa gitna ng kagipitan at pagsubok.

“Ang maka-Kristianong pananampalataya sa Diyos ay ang paniniwala na mahal tayo ng Diyos – ganoon niya tayo kamahal na namatay si Jesus para sa atin. Kaya kahit sa mga panahon ng kagipitan tulad ngayon, mahal tayo ng Diyos. Hindi natin alam kung saan tayo dadalhin ng pandemyang ito. Pero alam natin na mahal tayo ng Diyos at ang pagmamahal niya ang gumagabay ng lahat.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.

Hinikayat naman ni Bishop Pabillo ang bawat isa na higit ipamalas ang pagmamahal sa Diyos hindi lamang sa pamamagitan ng pagmamahal at pangangalaga sa kapwa at sa kalikasan kundi maging sa pakikilahok sa mga usaping panlipunan na magtatakda ng kinabukasan at hinaharap ng bayan.

Inihayag ng Obispo na bahagi ng pagmamahal ng bawat isa sa Diyos ay ang pagmamahal sa bayan kung sa pamamagitan ng matalino at masusing pagpili ng mga mamumuno sa bayan.

“Tingnan natin na ang pagboboto ay bahagi ng ating pagmahal sa Diyos at ng ating pagpapahalaga sa kasunduan sa kanya. Binigay ng Diyos ang the best niya – ang kanyang bugtong na anak. Ibigay din natin ang the best natin sa ating pagmamamahal sa kanya: mahalin ang kapwa at mahalin ang bayan at ibigay sa kanila ang the best natin. This is the challenge of our covenant with God that we live in every Eucharist that we celebrate.” Ayon pa kay Bishop Pabillo.

Kaugnay nito lumabas sa isinagawang Veritas Truth Survey na mayorya sa mga Filipinong katoliko o 97 porsiyento ang naniniwala na ang katawan at dugo ni Hesus ang Eukarisitiya na tinatangap sa komunyon- sa pamamagitan na rin ng transubstantiation