Economics

Epekto sa karaniwang mamamayan, dapat isaalang-alang sa ipatutupad na economic policy

Hinimok ng isang pari ang pamahalaan na pag-aralan ang bawat polisiyang ipinatutupad upang hindi magdusa ang mamamayan.

Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas, dapat isaalang-alang ng pamahalaan ang kapakanan ng bawat mamamayang nasasakupan sa bawat desisyong ipapatupad.

Ang tugon ng pari ay kaugnay sa binabalak ng Gobyerno na pagpapatupad sa ikalawang bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law o ang Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities (TRABAHO Bill).

“Tingnan ang epekto ng anumang polisiya o mga programa ng pamahalaan, ang bottom line ay epekto sa ekonomiya lalong-lalo na sa pinakamaliit sa lipunan na siyang mayorya ng ating mamamayan ay mahihirap, dapat ‘yan palagi ang benchmark ng gobyerno.” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.

Nasasaad sa Trabaho Bill ang pagbaba ng corporate income tax sa mga kumpanya mula 30-porsiyento gagawin itong 25-porsiyento at ang paghigpit sa pagbibigay ng insentibo sa mga kumpanya.

Nabahala naman si dating National Anti-poverty Commission Chairperson Liza Masa sa hakbang ng pamahalaan na ibaba ang corporate income tax dahil mahigit sa 60-bilyong piso ang mawawalang kita ng pamahalaan na maaring makaapekto sa mamamayan.

Bagama’t makatutulong sa mga maliliit na negosyante ang Trabaho Bill nangangamba naman ang higit isang milyong manggagawa sa sektor ng Business Process Outsourcing (BPO) dahil sa banta ng ilang dayuhang kompanya na umalis sa bansa at lumipat sa mga karatig bansa na mas mababa ng gastos.

Una nang sinabi ni Bishop Broderick Pabillo-Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na kung insentibo lamang ang dahilan sa pananatili ng mga dayuhang kompanya sa bansa ay hindi ito nakatutulong sa ating ekonomiya kaya’t hindi dapat na pangambahan ang pag-alis dito.

Aniya, nararapat na higit palakasin ng pamahalaan ang paglikha ng mga trabaho para sa mga Filipino upang matugunan ang pangangailangan lalo na’t tumataas ang presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa.

Sa isang mensahe ni Pope Francis hinimok nito ang bawat pinuno ng mga bansa na isaalang-alang ang kapakanan at karapatan ng nasasakupang mamamayan.