Umaasa ang Caritas Philippines na ganap na naipaalala ng paggunita ng Earth Day 2021 ang responsibilidad ng bawat isa sa komunidad na maging tagapangalaga ng kalikasang kaloob ng Panginoon sa sanlibutan.

Ayon kay Caritas Philippines Executive Secretary Rev. Fr. Antonio Labiao, Jr. mahalagang mamulat ang bawat isa sa iniatang na responsibilidad ng Panginoon sa lahat na maging tagapangasiwa ng kanyang biyaya laban sa hindi makatarungan at mapang-abusong pagtrato sa kalikasan at mga likas na yaman.

“Earth Day reminds us of our responsibility as individuals as communities to take care of our environment, maraming nangyayari sa ating kalikasan na masabi nating injustice, hindi makatarungan na pagtrato sa ating kalikasan kaya sana ang araw na ito ay araw ng muling pagpapahalaga ng kalikasan, pagpapahalaga ng ating mga responsibilidad sa pangangalaga ng kalikasang ito.” ang bahagi ng pahayag ni Caritas Philippines Executive Secretary Rev. Fr. Antonio Labiao, Jr.

Paliwanag ng Pari, bilang indibidwal marapat lamang na magsikap na mabuhay ng simple ang bawat isa kung saan hindi dapat na mangibabaw ang pagsusulong ng pansariling interes na kadalasang nauuwi sa pagkamkam sa biyayang para sa kapwa.

Pagbabahagi ni Fr. Labiao , kasabay ng pamumuhay ng payak at matuwid marapat din magkibahagi ang bawat isa sa komunidad at sa Simbahan para sa pagsusulong ng mga gawaing makapaghihilom sa pagkasira ng kalikasan tulad ng sama-samang pagtatanim ng mga punong kahoy at mga halaman gayundin ang pagtataguyod ng urban gardening at sustainable argiculture.

Giit ng Pari, mahalagang maging maagap ang lahat sa patugon sa pagkasira ng kalikasan kung saan dapat na ring agad na mawakasan ang walang habas na pagmimina at paggamit ng fossil fuel o coal mining na maituturing na mapangwasak na industriya.

“Ihinto narin natin ang walang control na pagmimina, ang mga destructive mining na nakakasira sa ating kalikasan kaya bilang isang Simbahan, bilang isang komunidad let us promote renewable energy, iwasan natin ang paggamit lalo na yung tinatawag nating fossil fuel or coal mining…” Dagdag pa ni Fr. Labiao.

Matatandaang una ng binigyang diin ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang kahalagahan ng sama-samang pagsusulong at pagtataguyod ng environmental justice bilang mga tagapangasiwa ng biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa sanlibutan.