politics

DSAC-Kalibo, nagulat sa pagkakabilang sa “red tag list” ng gobyerno

Ikinagulat ng Social Action Center ng Diyosesis ng Kalibo ang pagkakabilang sa listahan ng gobyerno na mga institusyong may kaugnayan sa makakaliwang grupo.

Ayon kay Reverend Father Ulysses Dalida, ang Social Action Director ng diyosesis nabasa at narinig lamang sa mga balita ang impormasyong kabilang ang DSAC-Kalibo sa iniugnay sa Communist Party of the Philippines – New Peoples’ Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

“Hindi po namin (DSAC) alam kung bakit na-red tag ang DSAC-Kalibo, wala namang nakapagsabi sa amin,” pahayag ni Fr. Dalida sa Radio Veritas.

Palaisipan kay Father Dalida ang pagkakasangkot ng institusyon sa hanay ng mga grupong itinuturing na kalaban ng gobyerno.

Una nang ikinadismaya ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang listahang inilabas ng Department of National Defense kung saan maraming mga church group ang pinagbibintangang sumusuporta sa komunistang grupo.

Read: “Red tag list” ng DND, pinuna ng Obispo.

Bukod sa DSAC Kalibo kabilang din ang ilang international church organization tulad ng Caritas Australia; Caritas Austria; Caritas Belgium; Caritas Switzerland; Save the Children Foundation; Bread for the World, Oxfam at Church of Sweden Mission.