Nakiisa ang Diyosesis ng Tarlac sa paggunita sa Red Wednesday bilang pag-alala at pagsuporta sa mga Kristiyanong nakakaranas ng pang-uusig dahil sa pananampalataya.

Sa panayam ng Radio Veritas kay Tarlac Bishop Enrique Macaraeg, ang pagiging martir ng mga Pilipinong Kristiyano dahil sa kanilang pakikipaglaban sa paniniwala at pananampalataya ang isa sa mga dahilan ng paggugunita sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bansa.

Iginiit ng Obispo na naaangkop ang Red Wednesday upang ipaalala sa bawat isa ang sakripisyo at katapangan ng mga martir sa kabila ng mga dinanas na pang-uusig.

“Today, we should pay tribute to our martyred Filipino brethrens during the 500 years of Christianity,” pahayag ni Bishop Macaraeg.

Nabanggit din ni Bishop Macaraeg na ang Red Wednesday ngayong taon ay bahagi rin ng paghahanda ng mga obispo para sa 2023 Synod of Bishops.

“On this occasion we also prepare ourselves for the Synod of Bishops in 2023 journeying as one church,” saad ng Obispo.

Taong 2016 nang simulan ng Pontifical Foundation na Aid to the Church in Need ang Red Wednesday Campaign sa United Kingdom habang 2017 naman nang makibahagi dito ang Pilipinas.

Tema ngayong taon ang “Red without fear: A Church journeying as one”.