Latest Newspolitics

Diocese of Tarlac, nakahanda na sa Walk for Life.

Nakahanda na ang Diocese of Tarlac para sa pakikiisa sa Simultaneous Nationwide Walk for Life sa ika-15 ng Pebrero.

Ayon kay Rev. Fr. Jason Aguilar – Chairman ng Commission on the Laity ng diyosesis, nakipag-ugnayan na ang Diocese of Tarlac sa Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa taunang pagkilos sa pangunguna ng Parish Pastoral Council at lahat ng lay organizations sa diyosesis.

Paliwanag ng Pari, gagawin ang pagtitipon sa Tarlac City Plazuela na magsisimula ganap na alas-kuwatro ng madaling araw na susundan ng pagtatanghal ng mga kabataan mula iba’t-ibang bikaryato bago ang Banal na Misa na pangungunahan ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg na susundan ng paglalakad paikot sa syudad.

“Sa activity may konting pagbabago lang sa program, 4 o’clock am ang assembly sa Tarlac Plazuela and then 4:30am may konting opening activities para sa mga tao habang naghihintay may mga mag-pi-perform ang youth ng bawat vicariate and then 5:30am mag-uumpisa na yung Holy Mass and it will be also held at the Tarlac City Plazuela to be presided by Most Rev. Enrique Macaraeg kasama ang mga mag-a-attend na pari ng Diocese of Tarlac…” pahayag ni Fr. Aguilar sa panayam sa Radyo Veritas.

Ibinahagi ni Fr. Aguilar na kabilang sa ipapanalangin ng diyosesis ang extra judicial killings sa nakatakdang Walk For Life bukod pa sa usapin ng aborsyon at maging ng kaligtasan ng bawat isa mula sa pinangangambahang pagkalat ng 2019 Novel Coronavirus – Acute Respiratory Disease.

“Of course yung intention natin yung ginagawa sa mga Simbahan dito sa parishes yung pagdadasal ng Oratio Imperata sa Coronavirus. Wala naman masyadong extra judicial killings dito pero ipapagdarasal din, saka yung abortion isa sa mga issues na ito naman yan ay parang universal issue na ito kaya isa sa mga major na intention natin para sa Walk for Life dito sa Tarlac…” dagdag ni Fr. Aguilar.

Tiwala si Fr. Aguilar na mas marami ang makikibahagi sa muling pakikiisa ng diyosesis sa Walk For Life lalo na aktibo ang bawat mananampalataya sa diyosesis sa pakikibahagi sa mga adbokasiya ng Simbahang Katolika.

“We’ve been doing this already for 2 years pang-3rd year na ito, itong 2020 nung una we have I think 2,000 attendees and then last year nadagdagan naging 3,000 plus sa estimate namin 3,000 kasi na-mobilized namin ang mga youth na napakarami din dito sa Diocese of Tarlac and active naman kasi lahat pati yung mga organizations sa Council of the Laity…” ayon kay Fr. Aguilar.

Sa tala, mayroong 8 vicariate ang Diocese of Tarlac na binubuo ng mahigit sa 60 mga parokya kung saan nasa higit 1.6 na milyon ang mga mananampalatayang Katoliko.

Bukod sa Diocese of Tarlac makikibahagi rin sa Simultaneous Nationwide Walk for Life sa ika-15 ng Pebrero ang Archdiocese of Lingayen Dagupan, Archdiocese of Cagayan De Oro, Archdiocese of Palo, at Archdiocese of Cebu.