Humihiling ng panalangin ang Diyosesis ng Baguio para sa patuloy na kaligtasan laban sa nararanasang sama ng panahong dulot ng bagyong Maring.

Sa panayam ng Radio Veritas kay Baguio Social Action Director Fr. Noli Panayo, sinabi nito na kasalukuyan pa ring nasa ilalim ng Signal Number 1 ang lalawigan ng Benguet kaya’t patuloy na nararanasan ang mga pag-uulan maging ang pagbaha.

Ayon sa pari, may ilang kalsada sa lalawigan ang hindi madaanan dahil sa landslides.

“As of now, ‘yung kalsada na papuntang Halcema Highway ay still closed due to landslides sa municipality of Atok, Benguet,” pahayag ni Fr. Panayo sa Radio Veritas.

Samantala, may ilang tahanan din ang natabunan ng landslides partikular na sa bahagi ng Dominacan-Mirador Hill sa Baguio City kung saan tatlong katao ang kasalukuyan pang hinahanap.

Habang naiulat naman mula sa Barangay Central Ambiong sa La Trinidad ang tatlong bata na nasawi matapos ding matabunan ng landslide.

“May mga natabunan na bahay dito po sa may Dominican hill, malapit doon sa Mirador hill. ‘Yung isang member of the family na-rescue naman. Safe na siya pero ‘yung tatlo, isang lolo at dalawang apo ay still missing. Pero on-going na ‘yung search and rescue operations… Doon naman sa may Barangay Central Ambiong, tatlo yung namatay na bata. And we still have to confirm ito and pupuntahan natin ito later.” ayon kay Fr. Panayo.

Sa kasalukuyan, patuloy pang nangangalap ng datos ang Diyosesis at lokal na pamahalaan para sa kabuuang bilang ng mga naapektuhang pamilya at mga nasirang ari-arian..

Hinihiling naman si Fr. Panayo na patuloy nawang isama sa panalangin ang kaligtasan ng bawat isa lalo na ang mga lubos na apektado ng bagyong Maring.

“Let’s continue to pray for one another. I ask everyone to please pray for us here in the Diocese of Baguio, especially those who were badly affected by this typhoon Maring,” saad ng pari.

Batay sa unang ulat, maliban sa mga pag-ulan, ang pagpapakawala ng tubig mula sa Ambuklao at Binga dam sa Benguet ang dahilan ng nararanasang pagbaha sa lalawigan partikular na sa Baguio City at La Trinidad.