163 total views
Umapela ng tulong ang Diocese of Gumaca matapos silang masalanta ng Bagyong Nina nitong araw ng Pasko.
Ayon kay Fr. Tony Aguilar, social action center director ng Diocese of Gumaca, labis na naapektuhan ang Bondoc Peninsula partikular na ang mga bayan ng San Narciso, San Andres, San Franciso at Mulanay at tatlong iba pa.
Ang Bondoc Peninsula ay ang Katimugang bahagi ng Quezon province sa Calabarzon region kung saan nasasakupan nito ang 12 munisipalidad sa lalawigan.
Sinabi ng pari na may mga bahay na nasira lalo na yung nasa coastal areas.
Dagdag ni Fr. Aguilar, 70-80 porsyento rin ng mga palayan at sagingan ang nasira kaya’t nangangailangan sila ng tulong para sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga taga Bondoc Peninsula.
“Ang diocese of Gumaca lalo na sa Bondoc Peninsula partikular na sa San Narciso, San Andres, Mulanay ay lubha silang naapektuhan ng bagyo, may mga bahay na nasira especially sa coastal areas, ang kanilang mga taniman gaya ng palayan at sagingan 70-80 porsiyento nasira. Nangangilangan kami ng tulong sa pagkain para sa mga immediate na pangangailanganb nila na maibibigay natin. Nakikipag-ugnayan din ang diocese para matulungan ang iba pang parokya at municipality. Sa Gumaca merun kaming kuryente at tubig pero ang Bondoc Peninsula noong isang gabi wala na silang kuryente until now, kaya problema din namin ang communication sa aming mga coordinators at mga parish. Sa mga nais tumulong, maaring makipag-tulungan sa tanggapan ng SAC sa Gumaca,” ayon kay Fr. Aguilar sa panayam ng Radio Veritas.
Si Nina ang pang-14 na bagyo na pumasok sa Pilipinas ngayong taon mula sa humigit kumulang 20 kada taon.