Mga Kapanalig, nakapanlulumo na ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 nitong mga nakalipas na linggo, at nakikita nating nagpapatuloy ito sa kabila ng pagsasailalim sa Metro Manila at karatig na probinsya sa enhanced community quarantine (o ECQ).

Bubuti pa kaya ang ating kalagayan? Ganito rin marahil ang inyong tanong pagmulat ng inyong mga mata sa umaga, at tunay namang nakapanghihina ng loob na wala tayong mahanap na sagot. Kaya hindi na nakapagtataka kung marami ang kumakagat, ‘ika nga, sa mga balita tungkol sa mga sinasabing lunas sa COVID-19.

Gaya na lamang ng Ivermectin, isang gamot na pampurga sa mga hayop. Para kay Anakalusugan Representative Mike Defensor, ito ang nakatulong sa kanya noong nagkaroon siya ng COVID-19, kaya naman, namahagi siya nito sa ilang residente ng Quezon City noong nakaraang linggo. Ginawa niya ito kahit pa sinasabi ng mga eksperto sa medisina na walang sapat at matibay na ebidensyang epektibo ang Ivermectin sa pag-iwas o paglaban sa kumakalat pa ring virus. Ito ang paninindigan ng World Health Organization (o WHO) at ng ating Food and Drug Administration (o FDA).[2] Ayon sa WHO, bagamat may 16 na controlled trials na naisagawa, inconclusive ang resulta ng mga ito; ibig sabihin, kulang pa rin ang datos upang masabing magagamit ang gamot na ito sa labas ng mga laboratoryo. Sa Pilipinas, pinapayagan lamang ang paggamit ng Ivermectin na ipinapahid bilang lunas sa ilang sakit sa balat at kuto.

May mangilan-ngilang medical practitioners na sumasang-ayon sa paggamit ng Ivermectin para sa mga pasyenteng may COVID-19, ngunit mismong ang Philippine Medical Association ay nagbabala sa mga kasapi nito na huwag magbibigay sa kanilang mga pasyente ng isang gamot na hindi rehistrado. Ang ganitong gawain ay salungat sa pangunahing prinsipyong pinanghahawakan ng mga nasa larangan ng medisina—ang “do no harm” o ang hindi pagpapahamak sa mga pasyente. At mismong ang kompanyang gumawa ng Ivermectin ang nagsabing hindi dapat gamitin ang pampurgang ito para sa mga nahawahan ng COVID-19. Kung ang mismong gumawa ng gamot at maaaring kumita nang malaki sa pagbebenta ng Ivermectin ang nagsabing hindi ito dapat gamiting gamot laban sa COVID-19, bakit patuloy ang pagpatol ng mga tao—may katungkulan man sa pamahalaan, mga propesyunal, at karaniwang mamamayan—sa mga balita tungkol dito?

Sinasalamin ng nangyayaring ito ang desperasyon ng marami sa atin upang matapos na ang kalbaryong dulot ng pandemya. Samantala, may mga pulitiko at taong nasa poder na sinasamantala ang desperasyong ito upang lumabas na tagapaghatid ng pag-asa sa nangangapang bayan.

Ngunit ito ang dapat nating maintindihan: ang desperasyong ito ay bunga ng napakalaking kapalpakan ng ating pamahalaan sa pagtugon sa pandemyang mahigit isang taon nang nagpapahirap sa ating lahat, lalo na sa mga maliliit at mahihina. Ang pagkagat ng mga tao sa mga balita tungkol sa mga makapaglulunas umano sa COVID-19—kahit pa ang pampurga sa mga hayop—ay para bang pagkapit sa maliit na sinag ng pag-asa sa gitna ng napakadilim nating kalagayan.

Sa kanyang ensiklikal na Fratelli Tutti, binigyang-diin ni Pope Francis ang kahalagahan ng pag-unawa nating walang naililigtas nang mag-isa; maililigtas lamang tayo nang magkakasama. Ngunit dapat tayong maging mapagbantay sa mga mistulang naglalako ng kaligtasan mula sa isang sakit na hindi pa rin natin lubusang nauunawaan. Ang tunay na kaligtasan ay mangyayari kung lahat ay nagtutulungan, nakikinig sa katwiran, at interes ng lahat ang inuuna. Paalala pa nga sa 2 Timoteo 2:15, “sikapin mong maging… isang manggagawang… tama ang paggamit sa salita ng katotohanan.”

Mga Kapanalig, hindi maikakailang desperado na tayo, ngunit huwag sana itong maging dahilan upang mahulog tayo sa higit pang kapahamakan.

Sumainyo ang katotohanan.