December 3, itinakdang “Day of Prayer and Fasting”

Posted on Posted in Cultural

Itinakda ng Dominican Family in the Philippines ang unang Linggo ng adbiyento o ang December 3, bilang Day of Prayer and Fasting.

Ayon sa pahayag ni Fr. Napoleon Sipalay Jr., pangulo ng Dominican Family Foundation, ito ay bilang tugon sa hamon ni Dominican Master General, Fr. Bruno Cadore OP na ipagtanggol ang buhay lalu na sa nagaganap na karahasan at pagpaslang kabilang na ang extra judicial killings.

Inihayag ni Father Sipalay na sa halip na magpalabas nang pahayag bilang pagkondena hinggil sa patayan na kalimitang iniuugnay sa ilegal na droga ay hinikayat ang lahat ng mga kasapi ng Dominican order na makiisa sa prayer and fasting at ipunin ang mga salaping matitipid para sa mga pamilya na biktima ng pagpaslang.

Ayon kay Father Sipalay, ito ay isang magandang hakbang at paghahanda ngayong adbiyento na tumugon sa pangangailangan ng mga biktima lalu’t papalapit na ang panahon ng pagsilang ng ating Panginoon na si Hesus.

Sa pinakahuling ulat, may higit sa 13,000 ang napaslang na iniuugnay sa ilegal na droga habang base sa PNP report ay mahigit 3,000 ang napaslang sa police operations.

Ang Dominicans o Order of Preachers ay itinatag noon ni St. Dominic De Guzman noong 1256.

Ito ay binubuo ng mga obispo at mga pari bilang 1st order, ang mga Dominican nuns bilang 2nd order at ang mga lay Dominican naman ay yaong mga layko na sumailalim sa programa ng paghuhubog ng mga Dominicano bilang mga Third Order.

Naitatag naman ang Dominican Province of the Philippines noong 1971.

Note: Official Statement:  December 3: Day of Prayer and Fasting for the Dominican Family in the Philippines

Sharing is caring
  •  
  •  
  •  
  •  
  •