Cultural

Deboto ng Our Lady of Penafrancia, isinasailalim sa spiritual preparation

Puspusan ang isinasagawang pang-espirituwal na paghahanda ng Archdiocese of Nueva Caceres upang magabayan ang mga mananampalataya sa pagdiriwang ng Peñafrancia Festival sa ika-13 hanggang ika-22 ng Setyembre, 2019.

Ayon kay Rev. Fr. Luisito Occiano – Social Communications Director ng arkidiyosesis, bahagi ng paghahandang pang-espirituwal ang tinatawag na ‘Pagtungko ni Ina’ o ang paglilibot ng imahen ng Our Lady of Peñafrancia sa iba’t-ibang mga parokya, barangay, paaralan, institusyon at mga establisyemento kung saan nagsasagawa ng mga serye ng pananalangin at misa sa lugar.

Bukod sa misa, ibinahagi rin ng Pari ang pagkakaloob ng mga recollection sa mga mananampalataya upang ganap na maihanda sa pagdiriwang sa kapistahan ng Mahal na Ina ng Peñafrancia.

Nilinaw naman ni Fr. Occiano na bukod sa 92-parokya ng arkidiyosesis sa Naga ay isinasagawa rin ang ‘Pagtungko ni Ina’ sa lahat ng 7 probinsya sa buong Bicol region na pawang may debosyon sa Nuestra Señora de Peñafrancia.

“Yung mga preparations actually the parishes, so we have 92 parishes dito sa Caceres nagkakaroon po ng Pagtungko ang tawag niyan sa Bicol is ‘Pagtungko ni Ina’ yung Visit of Our Lady of Peñafrancia sa mga chapels, sa mga sitio, sa mga barangay and usually the priest would go there to conduct mass sometimes may mga spiritual talks so practically it’s the whole Archdiocese who prepares the celebration hindi lang po yung Naga because yung center talaga is Naga pero kung titingnan natin it’s the whole 92 parishes of the whole Archdiocese ang nagpi-prepare, so hindi lamang po ito fiesta ng Naga kundi actually ng buong Bicol…” pahayag ni Fr. Occiano sa panayam sa Radyo Veritas.

Tema ng kapistahan ngayong taon ang “Doing Christ’s Mission with Youthful Hearts with Mary” na hango sa ginugunita ng Simbahang Katolika ngayong taon na Year of the Youth.

Pagbabahagi ni Fr. Occiano, layunin ng tema ngayong taon na mas mapalalim pa ang pananampalataya ng mga kabataan at mahikayat ang mga ito na maging daluyan sa pagpapalaganap ng debosyon sa Mahal na Ina.

“Ito po ay connected dito sa celebration natin ng Year of the Youth and of course we focus on the youth, sabi nga ni Cardinal Tagle its not only the future but the youth is the present church…” Dagdag pahayag ni Fr. Occiano.
Matatandaang bukod sa paghahandang pang-espirituwal, naunang inihayag ng Social Action Center ng arkidiyosesis ang puspusang paghahanda para matiyak ang kaayusan, seguridad at kaligtasan ng lahat ng mga deboto, mananampalataya at mga turista na dadalo sa kapistahan.

Read: Seguridad ng Penafrancia festival, masusing pinaghahandaan

Tumatagal ng isang linggo ang Pista ng Our Lady of Peñafrancia na nagsisimula sa ikalawang Biyernes ng Setyembre kung saan tatlong gawain ang pinakatambok ng pagdiriwang kabilang na ang Traslacion Procession sa ika-13 ng Setyembre; Fluvial Procession sa ika-21 ng Setyembre at ang mismong Dakilang Kapistahan ng Our Lady of Peñafrancia sa ika-22 ng Setyembre.