500 Years of Christianity Countdown

Binigyang diin ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na hindi pagpatay ang kasagutan sa mga pagpaslang sa Pilipinas.

Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity nawa’y maunawaan ng mga mambabatas na hindi solusyon ang death penalty kundi ipatupad ng walang kinikilingan ang batas.

“Panawagan ko sa mga mambabatas na hindi masosolusyunan ang pagpatay sa pamamagitan ng pagpapatay,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.

Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na mahalagang ayusin ng pamahalaan ang judicial system ng bansa upang maayos na maipatutupad ang mga isinasaad ng konstitusyon.

Ito ang tugon ng obispo sa muling pag-igting ng panawagan na ibalik ang death penalty kasunod ng pagpatay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio noong ika – 20 ng Disyembre dahil sa matagal nang alitan ng suspek at pamilya ng mga biktima.

Iginiit ni Bishop Pabillo na kahit iiral ang death penalty sa bansa kung walang disiplina ang mga tagapagpatupad ng batas ay hindi pa rin malulutas ang krimen sa lipunan.

“Kahit may death penalty kung walang disiplina ang police force at hindi maayos ang justice system, hindi pa rin masosolusyunan ang krimen,” giit ng opisyal ng CBCP.

Bukod pa rito sinabi ng obispo na dapat sasailalim ang mga pulis sa paghuhubog at bigyan din ng kaukulang disiplina ang mga lider ng lipunan na tila nagsusulong ng karahasan.

Inihayag ni Bishop Pabillo na ito marahil ay resulta ng kawalan ng pananagutan at pagbabalewala ng mga kinauukulan sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga pulis.

“Ito ay resulta na ng ating kulang na accountability sa maraming pinatay ng mga pulis at ng pamahalaang nag-eencourage sa mga pulis na barilin yung iba na hindi ipadaan sa usual court at usual process ng batas,” ani Bishop Pabillo.

Batay sa tala ng Amnesty International humigit kumulang sa walong libo ang napaslang ng mga pulis sa bansa bunsod ng malawakang giyera kontra droga mula noong 2016 sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Panawagan naman ng obispo sa P-N-P na huwag ipagtanggol ang pagkakamali ng kanilang kasamahan bagkus ay ipakita sa mamamayan na wala itong kinikilingan at bigyang katarungan ang naulila ng mga biktima.

Giit pa ng obispo na marami pang katulad na insidente na kinasangkutang ng mga pulis ngunit ito lamang ang nakuhanan ng video na magsisilbing ebidensya at nagpapakita ng pang-aabuso at malinaw na isang extra judicial killing.

“Dapat talagang ibaba ang kamay ng batas dumaan sa disiplina ang pulis; dapat imbestigahan at ipakita ng mga pulis na may nagagawa sila; huwag nilang ipagtanggol ang mali ng kanilang kasamahan,” giit ni Bishop Pabillo.