politics

Death penalty, isang quick-fix solutions

Naniniwala ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na maaring magbago ang mga makasalanan.

Ayon kay Rudy Diamante, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, ito ay kung lilikha ng mga programa na magbibigay ng pagkakataon sa mga nasa piitan ng bagong buhay lalu na sa kanilang paglaya.

“I’ve been on the prison ministry since 1976 and I am a witness doon sa mga pagbabagong naganap. In fact sa Pilipinas, ang rate of recidivism ay mababa. So yung sasabihin na hindi sila natututo, natututo naman talaga sa pagbabago. Basta na-create mo yung environment na kung saan sila ay maaaring mabigyan ng bagong buhay,” ayon kay Diamante.

Tinukoy ni Diamante ang ginagawang adbokasiya ng simbahan na paghuhubog sa mga nakakulong at mga pagsasanay nang sa gayun ay maging handa sa buhay laya.

“Basta nabigyan sila ng pagkakataon. Ang problema lang sa system natin, for example, mahihirapan na sila makapasok sa trabaho kasi nga sila ay convicted prisoner, so minsan hindi nila sasabihin na sila ay convicted prisoner.” pahayag ni Diamante

Ang pahayag ng opisyal ay kaugnay sa muling pagsusumite ng death penalty bill sa Senado bilang parusa sa mga drug trafficker at plunderers.

Nagkakaroon naman ng agam-agam si Diamante sa pagdalo sa mga inaasahang mga pagdinig lalu’t tila sarado na ang kaisipan ng mga mambabatas para pakinggan ang mga tutol sa parusang bitay.

“Studying this criminal justice system, mas gusto nila yung quick fix solusyon, kaya minsan yung hearing na kino-conduct, ay sayang lang ang pera ng bayan, sayang din ang oras, kasi hindi naman talaga sila open sa pakikinig,” ayon pa kay Diamante sa panayam ng Radio Veritas.

Sinabi pa ni Diamante na marami nang mga pag-aaral ang nagsasabing hindi ang capital punishment ang tugon sa mga suliranin ng lipunan tulad ng talamak na droga, krimen at pandarambong.

Kamakailan lamang ay muling umapela ang Santo Papa Francisco sa mga bansang umiiral ang death penalty na iwaksi ang batas bilang pagkilala sa pangunahing karapatan ng bawat tao ang karapatan na mabuhay.