Cultural

Crackdown ng pamahalaan sa mga kritiko, pinuna ng isang opisyal ng Simbahan

Nanawagan ang Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity sa Bureau of Immigration at Pangulong Rodrigo Duterte na palayain ang 71-taong gulang na Australian Missionary nun na dinakip dahil sa sinasabing pakikialam sa pulitika.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, walang dahilan na i-detain si Sister Patricia Fox ng Our Lady Zion Missionary dahil lamang sa alegasyong kasama siya sa isang political activity.

“Nakausap ko yung Commissioner si Morente [by phone], kung mayroon siyang passport, pero yung passport ng madre ay nasa agency kasi palabas siya ng bansa, kaya hindi nya mapo-produce. Ang pakiusap lamang namin kay Morente na puwede namang pauwiin at bukas dadalhin yung passport. Wala namang dahilan para i-detain, pero ayaw ibigay, ayaw siyang pauwiin, mga legal daw na bagay.” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas

Itinuturing din ng Obispo na “overkill” ang pagkakadakip kay Sister Fox na isinagawa ng anim na ahente ng Bureau of Immigration Intelligence Division sa kumbento ng Our Lady of Sion sa Anonas,Quezon City.

“Around 2 pm six men went to the convent of the Sisters of Our Lady of Zion in Anonas looking for Sr. Pat. (Is this not an overkill? Six men?) Sr. Pat is from Australia but she has worked in the Philippines for 27 years. She is 71 years old, suffering from several ailments what with her thin and frail stature.” pahayag ni Bishop Pabillo.

Naniniwala ang Obispo na ang pagkakadakip kay Sister ay bahagi ng crackdown ng pamahalaan sa mga kritiko at kumakalaban sa mga polisiya nito.

“Ang problema ng ating pamahalaan ay ayaw nilang tumanggap ng protesta, kaya bumabawi.” paliwanag ni Bishop Pabillo.

Nanawagan din si Pabillo sa mamamayan na tulungan si Sister Fox laban sa ginagawang crackdown ng gobyerno sa kanyang mga kritiko.

“Dapat suportahan natin si Sr. Pat, ipakita natin sa pamahalaan na hindi nila magagawa yung gusto nila at dapat maging mas human sila, kasi ito yung mga gawain ng mga pari, ng mga madre na makiisa sa mga nangangailangan, ipagtanggol ang mga karapatan ng mga tao. Sawari ito pati yung trabaho natin pinapakialaman nila.” panawagan ng Obispo

Nangangamba si Bishop Pabillo sa pag-iral ng Martial law sa pagkakadakip kay Sister Pat ng walang matibay na kadahilanan.

“Ito’y nakakatakot, ngayon nga hindi pa tayo Martial Law, puwede nang magawa yung ganyan, magdahilan sila, anu pa kaya kapag nasa martial law na tayo? I will read this towards a dictatorial rule, talagang may dictatorial tendency itong pamahalaang ito.” dagdag pahayag ng Obispo.

Kaugnay nito, umaasa naman ang Promotion of Church Peoples Response (PCPR) na makakalaya na ang madre.

Ayon kay Nardy Sabino, tagapagsalita ng PCPR maaring makalaya na si SR. Patricia Fox ngayong araw habang hinihintay ng BI ang kanyang pasaporte na naiwan sa kanyang tinutuluyan makaraan itong arestuhin.

Si Sr. Patricia ay isang volunteer staff ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura.

Nagpapasalamat din ang PCPR sa mabilis na pagtugon ng simbahan para saklolohan ang inarestong madre kabilang na si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo.

Tiniyak din ng PCPR na magsasagawa sila ng pagkilos ngayong araw sa immigration bilang pagkondena at panawagan na pagpapalaya sa madre na 27 taon nang naninirahan sa bansa dahil sa isinusulong na adbokasiya na pagtulong sa mahihirap na magsasaka.

Nananawagan din si Sabino sa mga misyonero ng simbahan na higit pang maging matatag ang manindigan sa pagtatanggol ng karapatang pantao at hindi dapat pasindak sa ginagawang hakbang ng pamahalaan laban sa kanilang mga inaakalang kalaban ng administrasyon.