Cultural

Condom distribution ng Gobyrerno, False security approach sa problema ng HIV/AIDS

Maituturing na “False Security” lamang para sa mamamayan ang paraan ng pagtugon ng Pamahalaan sa pagtaas ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV/AIDS) sa bansa.

Ito ang inihayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa kanyang Pastoral Visit On the Air sa himpilan ng Radyo Veritas.

Ipinaliwanag ng Obispo na malaki ang pinagkaiba ng paraan ng pagtugon ng Simbahan at ng pamahalaan sa lumalalang suliranin ng Bansa.

Iginiit ng Obispo na hindi dapat natatapos sa pagbibigay ng condom sa mamamayan ang approach ng pamahalaan upang maiparamdam ang pagiging ligtas sa naturang sakit.

“Iba kasi ang approach natin (Simbahan) sa approach ng Gobyerno, Ang approach ng Gobyerno na pagbago ng lifestyle bigyan ng condom, ibig sabihin kapag may condom ka you Feel Safe na may condom ka, it’s a False Security” pahayag ni Bishop Pabillo.

Ayon sa Obispo, ang naturang paraan ng pamahalaan ay kaiba sa isinusulong ng Simbahan na pagpukaw sa kamalayan ng mga mamamayan upang magbago ng paraan ng pamumuhay at pakikipagrelasyon.

Binigyan-diin ni Bishop Pabillo na dapat maimulat ang sambayanan sa kahalagahan ng ‘Abstinence’ o pangingilin bilang isa sa pangunahing paraan upang maiwasan ang naturang sakit.

“Yung approach natin sa Simbahan ay talagang baguhin yung lifestyle – ang ugali mo na talagang hindi ka na dapat na multiple partners, na maging tapat ka sa partner mo . Abstinence, yun talaga ang pinakamahalaga…” pahayag ni Bishop Pabillo.

Pagbabahagi ng Obispo, mayroong ministry ang Simbahan sa pagtulong sa mga may sakit partikular na sa mga may HIV/AIDS.

“Naturally kasama po sa ministry natin sa mga may sakit ay hindi lang yung clinic ngunit talagang matulungan natin yung mga may sakit lalong lalo na yung mga may HIV/AIDS, so may isa pong bahagi ng ministry dyan na San Lazaro, pagtulong sa mga may HIV/AIDS yung sa pagpa-testing saka yung pagtanggal sa taboo sa HIV/AIDS so isa din yun sa mahalagang ministry na pwede nating gawin…” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.

Batay sa tala ng Department of Health (DOH) noong Marso, nasa 33-kaso ang nagpopositibo sa HIV/AIDS kada araw mula ng magsimula ang kasalukuyang taong 2018.

Malaki ang itinaas ng bilang na ito mula sa dating 22-positibong kaso na naitatala kada araw noong 2015.

Bukod dito ang Pilipinas din ang may pinakamataas na pagdami ng HIV cases sa Asia Pacific Region na 133-porsyento mula lamang noong 2010 hanggang 2016.