Cultural

Condom at Same sex union, hindi makakatulong sa laban sa pagkalat ng HIV-AIDS

Hindi makatutulong ang pagsasalegal ng same sex union sa pagkontrol ng dami ng mga bagong kaso ng HIV-AIDS.

Ito ang binigyang diin ni Dr. Rene Bullecer, pangulo ng AIDS Free Philippines sa panayam ng Radyo Veritas, kaugnay sa patuloy na pagtaas ng kaso ng naturang sakit sa Pilipinas.

Ayon kay Bullecer, bago ikonsidera ng mga mambabatas na ipasa ang batas na ito ay kinakailangang pag-aralan muna ang mga bansang mayroon nang same sex union.

Sinabi niya na batay sa pag-aaral ng Center for Disease Control in America na hindi nakatulong ang pagsasalegal ng kasal o pagsasama ng parehong babae o lalaki sa pagpapababa ng kaso ng HIV sa mga bansang America, Canada, Australia at maging sa Europa.

Binigyang diin ni Bullecer, hindi ito garantiyang magiging panghabang buhay ang katapatan ng isang lalaki o babae sa kanyang kapwa kasarian na pinakasalan, at hindi rin matitiyak na isa na lamang ang kanilang magiging kapareha sa pakikipagtalik.

“You have to look around to other countries that have legalized the union like America, Canada, Europe, Australia, according to their own statistics, like center for disease control in America, it doesn’t help. In fact there was a credible survey conducted in America that yung pag-allow ng same sex union it doesn’t mean na pag married na sila, they become faithful to one another for life.” Bahagi ng pahayag ni Bullecer sa Radyo Veritas.

Ipinaalala pa ni Bullecer na hindi rin isangdaang porsyento ang naibibigay na proteksyon ng condom laban sa sexually transmitted disease.

Ayon sa pag-aaral ng Department of Health noong 2013 tinatayang nasa humigit kumulang 85% lamang ang naibibigay na proteksyon ng condom.

Naninindigan si Bullecer na nananatiling chastity at abstinence, o pagpapanatili ng kalinisang puri, at pagliliban sa paggawa ng sekswal na aktibidad ang pinaka epektibong paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng nakamamatay na sexual disease.

“[Condom] It doesn’t give you 100% protection, No! walang protection na 100% with the use of condom. Can you imagine, we are fighting a very dangerous illness, very dangerous disease, very dangerous infection, pag tamaan ka walang vaccine, walang gamot so meaning dapat yung prevention natin should be at least 99.9. I am proud to say na ang aming grupo, AIDS Free Philippines is the only anti-AIDS group na ang sentro naming ay chastity and abstinence.” Dagdag pa ni Bullecer.

Iginiit din ng doctor na bukod sa HIV-AIDS ay mahalagang mabigyang aral ang mamamayan na kailangan ding iwasan ang iba pang sexually transmitted diseases tulad ng herpes, syphilis, Chlamydia, gonorrhea, at iba pang nakakahawang sakit.

Dagdag pa ni Bullecer, kung maiiwasan ang mga ito ay tiyak na maiiwasan din ang pagkakaroon ng nakamamatay na HIV-AIDS.

“If we can prevent sexually transmitted disease like gonorrhea Chlamydia, herpes, syphilis, then we can assure you over 90% protect you from HIV and AIDS because the HIV yung hari the king of all sexually transmitted diseases, you should not forget na hindi lang HIV ang focus natin sa prevention.” Pahayag ni Bullecer.

Sa datos ng DOH noong Marso 2019, umaabot na sa 38 ang bilang ng nagpopositibo sa HIV kada-araw, at tinatayang mayroon nang 1,172 bagong kaso ng HIV sa kalahati pa lamang ng taon.

Ang 50% ng bilang na ito ay mula sa edad 25 hanggang 34, habang ang 31% naman ng nagkakaroon ng sakit ay mula edad 15 hanggang 24.

Patuloy din ang panawagan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHC) na paigtingin ang edukasyon sa mga kabataan at turuan ang mga ito na igalang at pahalagahan ang katawan ng tao bilang templo ng Panginoon.