Cultural

Community based treatment, Dapat na parusa sa mga lumalabag sa Lokal na Ordinansa

Hindi ang pagkakulong ang dapat na maging tugon sa pagkakamali o hindi pagtalima sa mga batas at mga ordinansa sa ating bansa.

Ito ang binigyang diin ni Bro. Rudy Diamante, Executive Secretary of CBCP Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care kaugnay sa anti-tambay campaign ng Philippine National Police.

Iginiit ni Diamante na hindi dapat na pagkulong ang laging tugon ng mga Otoridad dahil ang nilalalabag ng mga tambay ay lokal na Ordinansa.

Ayon kay Diamante, dapat ang parusa sa mga tambay ay community based treatment.

“Huwag laging kulong ng kulong, for example ngayon violation lang ng ordinance ay bakit ikukulong mo pa, puwede naman yang i-refer sa barangay and then to provide a certain kind of community base treatment in coordination with the law, yun yung ina-advocate natin more of restorative hindi lang custody lagi ang nasa isip kasi nila ‘you secure the community by putting people in prison’ hindi naman kailangan i-kulong kasi mayroong community based…” paglilinaw ni Diamante sa panayam sa Radyo Veritas.

Naniniwala si Diamante na dahil sa kasalukuyang kampanya laban sa illegal na droga at sa mga tambay sa lansangan ay mas lalo pang nadaragdagan ang bilang ng mga nagsisiksikang mga bilanggo sa mga piitan sa bansa.

Batay sa Annual Audit ng Commission on Audit o COA mula sa datos ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP sa pagtatapos ng 2017 tumaas ng 612-porsyento ang Jail Congestion rate noong nakalipas na taon.

Nabatid na pitong ulit na mas malaki ang bilang ng mga bilanggo sa mga piitan sa buong Bansa na aabot na sa 146,302 mula sa dapat sana’y Kapasidad lamang ng mga bilanguan na 20,653.

Sa tala ng COA, malaking salik sa paglaki ng bilang ng mga bilanggo ay ang mga nakulong dahil sa kasong may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamut.

Naunang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco, magiging mabunga lamang ang pananatili sa loob ng piitan kung naghahatid ito ng pag-asa sa halip na pagdurusa sa mga bilanggo upang sila ay mapanibago at maihanda sa posibleng pagbalik sa Komunidad.