Economics

COCO farmers, umaasa sa pangako ng Pangulong Duterte na maisabatas ang Coco Levy Trust Fund

Patuloy ang adhikain ng Simbahang Katolika ang mapabuti ang kalagayan ng sektor ng agrikultura lalo na ang kapakanan ng mga magsasaka.

Binigyang pansin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang sektor ng agrikultura sa isa sa kanyang mga monthly prayer intentions lalo na ang mga magsasakang sinasamantala ng mga kapitalista.

Bunsod nito, kaisa ang Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng pag-asa ng mga magsasaka ng niyog sa pangakong binitiwan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-apat na SONA.

Sa panayam ng Radio Veritas, itinuturing ni Joey Faustino, Executive Director ng Coconut Industry Reform Movement na bagong simula ang muling pagsusulong ng panukala sa Kongreso na mapakinabangan ang multi-bilyong pisong Coco levy fund.

“The fourth SONA can be made to start the process again. President Duterte made a similar pronouncement during the 3rd SONA but with less emphasis. But still Congress watered down and mangled the bill of the coco farmers. The sector will have to deal with both houses of the Congress again,” mensahe ni Faustino sa Radio Veritas.

Subalit aminado si Faustino na bagamat binanggit ng punong ehekutibo ang usapin sa coco levy fund ay wala pa rin itong katiyakan na makapasa sa Kongreso.

Umaasa ang mga magsasaka ng niyog na mapabilis ang pagpasa sa coco levy trust fund bill sa Mababang Kapulungan ng Kongreso base sa naging pangako ni House Speaker Allan Peter Cayetano noong kumandidato itong Vice-President.

Sa SONA ng pangulong Duterte, iminungkahi nito na i-invest ang tinatayang 100-bilyong pisong trust fund mula sa mga magniniyog noong panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos upang mas lalago pa ito.

Hinimok ng pangulo ang Kongreso na magpasa ng mas matibay at komprehensibong panukala na bumuo ng Coconut Farmers’ Trust Fund na una niyang ibineto.

Iginiit ni Faustino na hindi katanggap-tanggap sa mahigit 3-milyong coco farmers ang pag-veto ng pangulong Duterte sa inaprubahan ng Kongreso na coco levy trust fund.

“They should be more vocal this time in all discussions and hearings so it can finally enacted,” ani ni Faustino.