Naniniwala ang church-based labor group na higit lamang na magpapalala ang Anti-Terrorism Law sa kalagayang pang-ekonomiya at panlipunan kinahaharap ng mga Filipino.

Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ng Church People- Workers Solidarity (CWS), ang batas ay hindi magdudulot ng pag-unlad sa buhay ng mga mamamayan na patuloy na humaharap sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa halip, ayon sa obispo ay magdudulot pa ng pagkakalantad sa karahasan ng mga maling mapaparatangang kalaban ng bayan.

Paliwanag ng Obispo, dulot ng malawakang red-tagging ng pamahalaan sa iba’t ibang personalidad ay nasaksihan na rin ng mamamayan ang panganib na maaaring idulot sa mga hinihinalang kasapi ng mga komunistang grupo na itinuturing na kalaban ng gobyerno.

Kabilang na ayon kay Bishop Alminaza ang mga pagbabanta, pang-aabuso at pagpaslang sa mga pinaratangang kabilang sa komunistang grupo.

“Recent incidents’ of red-tagging by government agents against church and health workers in Negros resulted to the killings. Last week, death treats sent via text messages were sent to union leaders and prominent activist in Cebu. The perpetuators of this killings, threats, intimidations and harassment are emboldened to continue their criminal acts because of ATL,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza.

Giit ng Obispo, higit na kinakailangan sa ngayon ng pagkakaisa ng lahat upang ipanalangin ang kaliwanagan ng isip at paninindigan ng mga mahistrado sa Korte Suprema kaugnay sa mga panganib na dulot ng Anti-Terror Law sa kapakanan ng mga mamamayang Filipino.

“We invite church people-religious, priests, bishops and lay workers to gather in prayer in their respective communities during this historic day. Let us join hands in prayer for our magistrates in the Supreme Court that GOD may enlighten their hearts and minds to heed the voice of the people, defend the truth, and junk the dreaded terror bill.” Dagdag pa ni Bishop Alminaza.



Umaasa rin si Bishop Alminaza na susuriing mabuti ng mga mahistrado ang mga argumento ng 37-petisyon na inihain sa Korte Suprema na kumukwesyon sa legalidad ng Anti-Terror Law.

Lalu na ayon sa obispo ang section-4 na naglalaman sa malawak na pakahulugan ng terorismo na maaaring magamit laban sa mga inosenteng mamamayan at samahan maging sa Simbahan.