Pinaghahandaan na ng Saint Joseph College of Baggao, Inc. (SJCBI) sa Cagayan ang pagbubukas ng face-to-face classes sa kabila ng banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay SJCBI President at spiritual director Monsignor Gerry Perez, nakipag-ugnayan na ang Commission on Higher Education (CHED) Regional Office 2 sa institusyon hinggil sa pagsasagawa ng vaccination rollout para sa mga college student.

“Ang CHED pumunta nga sa amin, thru the initiative of Regional Director Jet Paras. Kasi nga in preparation for the face-to-face classes siguro by December or January, e kailangan fully vaccinated ang student population,” bahagi ng pahayag ni Msgr. Perez sa panayam ng Radio Veritas.

Sinabi ni Msgr. Perez na napagkasunduan nila ni Director Paras na gamitin ang mga pasilidad ng SJCBI upang maging vaccination center ng mga estudyante.

Dagdag pa nito na makikipag-ugnayan din ang CHED at Department of Health Regional Office 2 sa mga nursing at medical schools upang kumuha ng mga estudyante na isasailalim muna sa training bago maging volunteer vaccinators.

“Nag-alok si Director Jet na kami na ang bahala sa vaccination centers and vaccinators. Ang kukunin na vaccinators ay mga nursing and medical students… Makikipag-[Memorandum of Agreement] sila sa DOH and CHED na ite-train muna sila, itong mga nursing students na mag-vo-volunteer para maging vaccinators,” saad ni Msgr. Perez.

Samantala, nakiusap din ang CHED at pamunuan ng SJCBI sa lokal na pamahalaan ng Baggao upang gawing prayoridad ang pamamahagi ng bakuna para sa mga estudyante.

Nangako naman ang DOH na magpapadala ito ng karagdagang bakuna na sasapat sa isasagawang vaccination rollout.

“Ang sabi ni Mayora [Joan], mukhang kulang ang vaccine pero ‘yun nga, sinabi naman ni Director Paras na may at least initial talks with the DOH na nag-promise naman sila na they can provide the vaccines,” ayon sa pari.

Batay sa tala ng institusyon, nasa humigit-kumulang 1,400 college student ng SJCBI ang target na mabigyan ng COVID-19 vaccine mula sa inisyatibo ng CHED.

Nagsimula na noong November 15 ang pilot at limited face-to-face classes sa 100 pampublikong paaralan sa mga lugar na maituturing na low-risk areas mula sa banta ng COVID-19.

Habang 20 pribadong paaralan naman ang nagsimula na rin nitong November 22 para sa face-to-face classes.