Aalalay ang Caritas Philippines sa mga Diyosesis na naapektuhan ng bagyong Maring partikular na sa mga lalawigan sa Northern Luzon.

Ito ang inihayag ng NASSA-Caritas Philippines batay sa kanilang inilabas na ikalawang situationer report kung saan 3 Diyosesis sa Luzon ang nagpahayag ng mataas na bilang ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha at pagkasira ng kanilang mga pananim.

Ilan dito ay ang Archdiocese of Nueva Segovia sa Ilocos Sur, Diocese of Baguio sa Benguet at ang Apostolic Vicariate of Puerto Princesa sa lalawigan ng Palawan.

Patuloy naman na inaantabayan ang mga datos mula sa mga nabanggit na lugar habang nagsasagawa pa ng rapid assessment ang Caritas La Union sa Diocese of San Fernando, Diocese of Laoag sa Ilocos Norte, Archdiocese of Tuguegarao sa Cagayan at ang Diocese ng Urdaneta sa Pangasinan.

Aminado ang ilang mga kinatawan ng Social Action Network ng Simbahang katolika na nahihirapan ang mga Parokya sa pagtukoy sa pinsala ng bagyo dahil na rin sa mga nasirang daanan at kawalan ng elektrisidad sa ilang mga bayan.

Sa pakikipag-ugnayan ng Radyo Veritas sa Archdiocese of Nueva Segovia, inihayag ni Social Action Director Rev. Fr. Danilo Martinez ang kanilang pag-apela ng tulong para sa mga naapektuhan residente.

Simbahan sa Archdiocese of Nueva Segovia, binuksan sa mga evacuees ng Bagyong Maring

Nagpapasalamat naman si La Union Social Action Director Rev. Fr. Gary Patiag sa mga tulong na nais ipa-abot sa kanilang Diyosesis ngunit aminado ito na mas nangangailangan ngayon ang lalawigan na tulad ng Ilocos Sur at Cagayan.

“Salamat sa mga gustong tumulong pero siguro mas maganda na maipaabot na ito sa mga mas nangangailangan tulad doon sa Ilocos Sur at sa Tuguegarao” pahayag ni Fr. Patiag.

Inihayag ni Puerto Prinsesa Social Action Director Rev. Fr. Jasper Lahan na kasalukuyan na silang nagsasagawa ng relief operation para sa mga residente na naapektuhan ng pagbaha.

“Actually ongoing po ngayon [ang] relief operation namin nasa 170 families pa lang po yun mapupuntahan natin yun pa lang ang kaya ng ating budget. Ang initiative at effort po ay nasa Parish Level.” mensahe ni Fr. Lahan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Caritas Philippines sa iba pang mga organisasyon ng Simbahan na posibleng tumugon sa mga apektadong Parokya partikular na sa Caritas Internationalis, ang head quarters ng mga Caritas Organization sa buong mundo at siyang pinamumunuan ng kanyang kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRM umabot sa 5,673 indibidwal ang nagsilikas dahil sa bagyong Maring habang umaabot sa halos 500 milyong piso ang halaga ng pinsala nito sa sektor ng agrikultura.

Rowel Garcia

By Rowel Garcia

Rowel Garcia Disaster Coordinator