EconomicsLatest News

Caritas Manila Segunda Mana, 12-taon na

July 14, 2020, 8:10AM

Nagpapasalamat ang Caritas Manila sa mamamayan na patuloy sumusuporta at tumatangkilik sa mga programa ng social arm ng Arkidiyosesis ng Maynila.

Ayon kay Executive Director Rev. Fr. Anton CT Pascual, hindi magtatagumpay ang programa ng Caritas Manila kung walang suporta ng mamamayan kaya’t malaking papel ang ginagampanan ng bawat tao sa pagtugon sa pangangailangan ng mahihirap.

Ang mensahe ng pari ay kaugnay sa pagdiriwang ng ika – 12 anibersaryo ng Segunda Mana, ang donation in-kind program ng social arm ng Archdiocese of Manila.

“We at Caritas Manila are quite thankful for Segunda Mana’s success. It is truly Gods’s gift,” mensahe ni Fr. Pascual.

Dahil dito tiniyak ng institusyon ang pagpapalawak at pagpapalago pa ng mga programa na higit makatutulong sa mamamayan lalo na ang sektor ng mga maralita sa buong bansa.

Balak ng Caritas Manila na magbukas pa ng mga karagdagang charity outlets sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na karagdagan sa naunang 34 na outlets na matatagpuan sa National Capital Region, Iloilo at Central Luzon.

Ito rin ay pasasalamat sa Panginoon sa mga biyayang kaloob at mapondohan ang mga social services ng simbahan tulad na lamang ang programang edukasyon ng Caritas Manila.

“Pushing and striving for more is our way of thanking God for Segunda Mana because we are quite aware that the program is but a means to fund God’s social services and development work through Caritas Manila” saad ni Fr. Pascual.

Pangunahing tinutustusan ng Segunda Mana ang Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) na nagpapaaral sa mahigit apat na libong kabataan sa buong bansa kabilang na ang mga Muslim at katutubo.

Mabibili sa mga charity outlet ang mga kagamitang tulad ng damit, bag, sapatos, mga gamit na pambahay sa abot kayang halaga na karamihan ay mga pull out items mula sa kilalang mga establisimiyento sa kalakhang Maynila.

Sa unang taon ng Segunda Mana noong 2008 kumita ito ng 3.8 milyong piso habang nitong 2019 umabot na ito sa 70.3 milyong piso at sa nakalipas na higit isang dekada naitala ang 357.7 milyong pisong kita ng social enterprise ng Caritas Manila.

Lubos namang nagpapasalamat si Barry Camique, ang program director ng Segunda Mana sa bawat isang tumatangkilik ng prorama lalo na sa pagsasagawa ng mga expo sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.

“Maraming maraming salamat sa inyong tulong at makakaasa kayo na ang Segunda Mana ay magpapatuloy sa kanyang misyon sa pamamagitan ng pagpapalawak pa nito sa Visayas at Mindanao,” mensahe ni Camique sa panayam ng Radio Veritas.

Inihayag ni Camique na mahigit 3, 000 kabataang scholars na sa buong bansa ang natulungan ng YSLEP na makapagtapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo na ngayon ay tumutulong na rin sa mga bagong scholars sa pamamagitan ng pay it forward program na pinangangasiwaan ng Caritas Manila Scholars Association (CAMASA).

Bukod sa mga scholars natulungan din ng programa na magkaroon ng kabuhayan ang mahigit sa isanlibong maralita sa pamamagitan ng ukay-ukay na mula sa donasyong gamit.

Binigyang daan ng opisyal ng Segunda Mana na ito na marahil ang pinakamalaking donation in-kind, social enterprise program sa Pilipinas.

Ibinahagi naman ni Fr. Pascual na pinag-aaralan ngayon kung papaano makatutulong ang Segunda Mana sa mamamayang apektado ng krisis at maging sa mga usapin ng food suply sustainability at usaping pangkalikasan.

“The Management and staff of Segunda Mana and the leadership of Caritas Manila are also committed to improve Segunda Mana as a social enterprise program so we can multiply God’s blessing from every item donated,” dagdag ng pari.