Cultural

Cardinal Tagle, hinimok ang mga kabataan na isantabi ang kompetisyon

Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga kabataan na maging mabuting tao.

Sinabi ni Cardinal Tagle na minsan lang dumaan ang yugto ng pagiging isang kabataan sa buhay ng bawat tao.

Kaya naman mahalagang sa panahong ito ay mapagyaman at maging mabunga ang karanasan ng isang tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng ambag sa simbahan at sa komunidad na kanyang kinabibilangan.

Dagdag pa nito, hindi dapat kompetisyon ang pinaiiral ng mga kabataan kungdi ang pagtutulungan upang makamit ang makabubuti para sa nakararami.

Ayon kay Cardinal Tagle, kung magsisimula sa mga kabataan ang pagkakaisa para sa kabutihan, pagdating sa mga nakatatanda ay tuluyan nang mawala ang pagkakanya-kanya, at paligsahan.

“Ang gift ninyo ay pagigng youth, pagiging bata, show it to us and contribute to the church by being good young people. Use your energies, use your dreams, use your idealism to learn and to contribute to the church and to society… Hindi competition ang kailangan natin sa mundo ngayon, kailangan natin common effort to promote the common good, magsimula kayo ngayon.” pahayag ni Cardinal Tagle.

Sa tala, nasa 20 porsyento ng kabuuang bilang ng mga katoliko sa Pilipinas ay mga kabataang nasa edad 15 hanggang 24.

Ngayong Disyembre pormal nang magsisimula ang panigabong taon ng simbahan sa pamamagitan ng paglunlunsad ng Year of the Youth bilang bagong tema na kaugnay sa paghahanda sa nalalapit na ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.

Nakatakdang pangunahan ni Cardinal Tagle ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa ikalawa ng Disyembre na gaganapin sa Our Lady of the Guadalupe Minor Seminary, ganap na alas singko ng umaga.

Patuloy namang inaanyayahan ang mga kabataan na makiisa sa pagdiriwang na ito sa pamamagitan ng pagpapatala sa Archdiocese of Manila Youth Ministry.