Bishop Galido, malaking kawalan sa Duyog Marawi

Posted on Posted in Cultural

Malaking kawalan ang pagpanaw ni Iligan Bishop Elenito Galido sa Simbahan at sa pagbangon ng Marawi City na nalugmok dahil sa limang buwang digmaan.

Ito ang malungkot na pahayag ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña dahil sa pagpanaw ni Bishop Galido na kaniyang naging katuwang, sandigan at kumupkop sa kanya at mga mamamayan ng lungsod sa panahon ng pangangailangan ng prelatura.

Sinabi ni Bishop Dela Peña na pangunahing katuwang ng Duyog Marawi si Bishop Galido para sa relief operation at rehabilitation program sa pagtatapos ng digmaan.

“Kagabi, I lost my co- worker in the Marawi relief and rehabilitation program. Dapat dagdagan itong aking pagsisikap na maibangon ang Marawi. Bishop Galido was indefatigable partner in this gargantuan task of rehabilitation in Marawi,” pahayag ni Bishop Dela Peña.

Ang obispo ang pangunahing tumulong sa Prelatura ng Marawi sa kasagsagan ng digmaan noon sa pagitan ng Maute ISIS group.

Ang Iligan ang naging pansamantalang kanlungan ng may 200,000 sa higit 300,000 mga residente ng Marawi City.

Hinikayat naman ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad ang lahat ng mananampalataya na ipagdasal ang kaluluwa ni Bishop Galido.

“We ask you to pray for the eternal repose of the soul of Bishop Galido,” ayon kay Archbishop Jumoad.

Si Bishop Galido, ang chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Culture (CBCP-ECC) ay namayapa dakong alas-10 ng gabi December 5 matapos ang isang linggong pagkakaratay sa Mercy Hospital sa Iligan City dahil sa sakit na liver cirrhosis.

Ang obispo ay isinilang sa Malaybalay Bukidnon noong April 18, 1954. Inordinahang bilang pari noong 1979 at itinalaga bilang obispo ng Iligan noong March 2006.

Sa ulat ng CBCPnews.net Si Bishop Galido, ang ika-7 obispo ng simbahang katolika ang pumanaw ngayong taon.

Kabilang sa mga namayapang obispo sina Bangued Bishop Emeritus Cesar Raval, Bishop Leopoldo Tumulak ng Military Ordinariate of the Philippines, Bishop Rodolfo Beltran ng San Fernando La Union. Oktubre nang pumanaw si Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal, Butuan Bishop Juan De Dios Pueblos at buwan naman ng Nobyembre nang pumanaw si Talibon Bishop Emeritus Christian Vicente Noel.

Sharing is caring
  •  
  •  
  •  
  •  
  •