500 Years of Christianity Countdown

August 19, 2020

Manila,Philippines — Sa kasalukuyang pandemya ito ay ang pagkakataon ng bawat isa na makatulong sa kanyang kapwa.

Ito ang binigyan diin ni Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila kaugnay na rin sa mga programang inilulunsad ng simbahan para magbigay tulong sa mga mahihirap.

Patuloy naman ang panawagan ng Caritas Manila ng suporta at pagtangkilik sa Ligtas Covid-19 campaign na siyang pinanggagalingan ng mga ipinamamahaging tulong sa iba’t ibang pamayanan sa Metro Manila at karatig lalawigan.

“Mayroong silver lining sa bawat krisis. Kaya ipakita natin ang opportunities sa krisis na ito, para lalo tayong magmalasakit at makita nila ang kahalagahan ng Simbahan at ang misyon ng Panginoon sa pagpapahalaga sa buhay at pagpalaganap ng dakilang awa ng Diyos,”pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.

Naghahanda na rin ang social arm ng simbahan sa pagbubukas ng klase at paglikom ng halagang gagamitin sa pagbibigay ng mga gadget at tablet para sa 4,500 college scholars sa ilalim ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP.

Ito ay bukod pa sa 500 college scholars na pawang mga anak ng tsuper ng jeep na labis na naapektuhan ng pandemya at modernization program sa transportasyon.

“Mas malawak ang grasya ng Diyos. Kaya tulong tulong lang tayo, makakaipon din tayo ng sapat na pondo para sa ating mga kababayan,” ayon pa sa pari.

Higit sa 1,000 mga tsuper ng jeep din ang nabibiyayaan ng manna bags ng Caritas habang pinag-aaralan na rin ang pagbuo ng koopretiba para sa sektor ng transportasyon.

Ito ay bahagi ng long term solution upang magkaroon ng sariling pagkakakitaan ang mga driver para sa kanilang pamilya.

Una na ring inihayag ng Department of Labor and Employment na higit sa 45 porsiyento ng mga manggagawa ang nawalan ng trabaho dulot ng pandemic novel coronavirus