Mga Kapanalig, itinuturing natin bilang aninag ng liwanag sa gitna ng nagpapatuloy pa ring pandemya ng COVID-19 ang pagkakatuklas ng bakuna upang pigilan ang pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na sakit na ito.

Kaya naman, sa kanyang Urbi et Orbi noong araw ng Pasko, nanawagan si Pope Francis na upang maipakalat ang liwanag na ito at makapaghatid ng pag-asa sa buong mundo, kailangang maging available ang bakuna sa lahat. Hindi raw dapat umiral ang pagkakanya-kanya ng mga bansa na siyang magiging hadlang sa pagsasabuhay natin ng ating pagiging isang pamilya, isang human family. Dapat daw nating iwaksi ang tinawag niyang “virus of radical individualism” na nagtutulak sa mga bansang isipin lamang ang kapakanan ng kani-kanilang mga mamamayan habang manhid sa pagdurusa ng mas nakararami. Vaccines for all, bakuna para sa lahat.

Kaya naman, lubhang nakababahala ang balitang nagkasundo ang European Commission na kokontrolin nito ang pag-export o pagpapadala ng COVID-19 vaccines mula sa European Union patungo sa ibang mga bansa. Ang hakbang na ito ay upang matiyak daw ng mga bansang kasapi ng European Union na sapat ang suplay ng bakuna para sa kanilang mga mamamayan. Sa gitna ito ng mabagal na produksyon ng mga pharmaceutical companies habang nagsisimula na ang ibang mga bansa sa pagbabakuna.



Ayon sa World Health Organization (o WHO), ang mga mahihirap na bansa ang pangunahing maaapektuhan ng pag-aagawan ng mga mayayamang bansa sa bakuna. Isa raw itong “catastrophic moral failure” na magpapalalâ sa pandemya at magpapabagal pa lalo sa ekonomiya ng buong mundo.

Ngunit nilinaw ng ating pamahalaang hindi maapektuhan ang Pilipinas ng hakbang na ito ng European Union. Exempted sa mga maaaring hindi mapadalhan agad ng bakuna mula sa mga pharmacuetical companies sa Europa ang mga bansang kalahok sa tinatawag na COVAX Facility ng WHO. Ang COVAX Facility ay isang mekanismong magtitiyak ng patas na pamamahagi ng bakuna sa mga developing countries katulad ng Pilipinas. Hindi rin naman daw maapektuhan ang mga nai-order ng pamahalaan mula sa AstraZeneca dahil magmumula naman ang bakuna sa pabrika nito sa Thailand at India.

Salungat ang pagkontrol ng mayayamang bansa sa suplay ng bakuna sa pinahahalagahan nating prinsipyo sa Simbahan na pag-ibig sa pagkiling sa mahihirap. Hindi ito tungkol sa pagbibigay ng special treatment sa mahihirap, ngunit ito ay pagsusumikap na itama ang kawalang katarungang kinasasadlakan ng mga mahihina at napag-iiwanan sa ating lipunan. Dito sa Pilipinas, kung totoo man na hindi tayo maaapektuhan ng hakbang ng European Commission, marapat lamang na tiyakin ng ating pamahalaang susundan nito ang inilatag nitong priority list upang tunay na maging patas ang pamamahagi ng bakuna—mula sa 1.76 milyong health workers at iba pang frontline workers, 9 na milyong senior citizens, halos 13 milyong mahihirap nating kababayan, at kalahating milyong uniformed personnel na nagpapanatili ng kaayusan sa ating bansa.

Kailangan ding maging aktibong tagapagtaguyod ng pagkakaisa ng mga bansa ang Pilipinas, hindi ang manggatong pa sa hindi pagkakasundo ng mga bansa. Ngayong umabot na sa mahigit 104 milyong kaso ng COVID-19 ang naitala sa buong mundo (at karamihan sa mga ito ay, sa awa ng Diyos, naka-recover na) habang 2.3 milyon na ang namatay sa sakit na ito, kailangan na kailangan ang pagtutulungan ng lahat ng mga bansa. Pagkakasundo, hindi kompetisyon, ang dapat na mamayani, paalala pa ni Pope Francis. Wika nga sa Ecclesiastes 4:9-12, “Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila… Kung ang nag-iisa’y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa.” Sa laban sa COVID-19, higit sa dalawa ang kailangang nagtutulungan.

Mga Kapanalig, ipagdasal nating hindi na madamay ang bakuna sa pagpapaigting ng kawalang katarungan sa ating lipunan at at hindi pagkakapantay-pantay sa buong mundo.

Sumainyo ang katotohanan.