Cultural

Bagong version ng Year of the Youth theme song, ilulunsad ng Jesuit Communications

Ilulunsad ng Jesuit Communications Foundation, Incorporated ang panibagong album ng mga awitin na makatutulong sa pagpayabong ng pananampalataya sa pamamagitan ng musika.

Sa pamamagitan ng Jesuit Music Ministry, ilulunsad ang ikatlong album ng One Praise series na pinamagatang ‘ONE PRAISE 3 (Year of the Youth Edition)’ bilang pakikiisa ng J-M-M sa pagdiriwang ng Taon ng mga Kabataan ng Simbahang Katolika sa bansa.

Ito ang ambag ng JMM sa panawagan ng makabagong pamamaraan ng paghahayag ng katuruan ng Simbahan lalo na sa mga kabataan sa pamamagitan ng mga awiting handog ng grupo.

Nilalaman ng ONE PRAISE 3 (Year of the Youth Edition) ang pinagsamang mellow at upbeat praise and worship songs kabilang na ang bagong bersyon ng ‘One in Mission’ ang theme song ng Year of the Youth.

Taglay nito ang mga orihinal na awitin mula sa iba’t ibang International Catholic Renewal Communities tulad ng Ang Ligaya ng Panginoon, Christ’s Youth in Action, The Feast (Feast Worship), Elim Communities (Elim Music Ministry), Simply4Him at The Lord’s Flock Catholic Charismatic Community.

Ang pagdiriwang ng Year of the Youth sa Pilipinas ay bilang paghahanda sa ika – 5 sentenaryo ng Kristiyanismo sa bansa na ipagdiriwang sa 2021.

Ilalabas ang ONE PRAISE 3 (Year of the Youth Edition) sa ika – 21 ng Abril ang Linggo ng Muling Pagkabuhay sa Spotify, Apple Music, Deezer, iTunes at Youtube.

ONE PRAISE MOVEMENT

Isang Catholic Charismatic Communities na pinamunuan ng media arm ng Society of Jesus ang Jesuit Communications Foundation.

Sa patuloy na pakikiisa ng JesCom sa mga gawaing pagpapahayag ng mga katuruan ng Simbahan sa pamamagitan ng musika, nakikita ng grupo na mabisang paraan ang paglikha ng mga awiting nagpupuri sa Panginoon bilang paghikayat sa mga kabataan na makiisa sa misyon ng Panginoon.

Sa ikaapat na taon ng One Praise, pinagbuklod nito ang iba’t ibang Charismatic communities upang lumikha ng mga orihinal na praise at worship songs na ilalabas ng JesCom na album sa pamamagitan ng CD at sa lahat ng digital platforms.

Bukod dito magkakaroon ng pagtitipon ang One Praise para ipagdiwang ang Year of the Youth sa darating na Oktubre 2019.

Para sa karagdagang detalye makipag-ugnayan kay Mr. Lester Mendiola ang Direktor ng Jesuit Music Ministry sa 0918-421-1823 o sa 426-5971 loc 114 o mag email sa [email protected].