Cultural

Arsobispo ng Cebu, Tiniyak na walang banta sa kanyang buhay

Tiniyak ni Cebu Archbishop Jose Palma na walang banta laban sa kanyang buhay.

Ito ay kaugnay sa Insidente ng pamamaril sa loob ng Archbishop Palace sa Cebu City kung saan nasawi si Jeffrey Cañedo.

“Honestly nothing that I know of. I’m not a good person pero palagay ko wala naman attempt in my life,” ayon sa pahayag ni Archbishop Palma.

Si Archbishop Palma ay kasalukuyang nasa General Santos City nang maganap ang insidente.

Sa ulat ng Pulisya, hinahanap ni Jeffrey ang Arsobispo subalit nakitang balisa ito at may dalang armas kaya’t tumawag ng Pulis ang mga guwardya ng Residencia.

Si Cañedo ay nabaril at napatay nang magtangka itong manlaban sa mga Pulis.

Nakuha sa Crime Scene ang isang baril at patalim na sinasabing dala ni Cañedo.

“On the one hand naawa din ako sa tao. On the other hand yung iba akala nila there is an attempt in my life wala naman so, sabi ko I appreciate yung mga text of concern,” ayon kay Archbishop Palma sa panayam ng Radio Veritas.

Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, sinabi ng Arsobispo na nakipag-usap na rin ang Ama ni Jeffrey sa kaniya at nagpasalamat sa tulong ng Simbahan para sa anak na nasawi.

Kinumpirma rin ng Ama ni Jeffrey na ito ay Mentally Depressed.

“When he thanked me I feel so humbled ba kasi namatayan nga sila. If he get mad at me okay lang sa amin,” dagdag pa ng Arsobispo.

Una na ring ipinag-utos ng Arsobispo ang pagbibigay ng tulong sa pamilya ng nasawi at ang panalangin na rin sa kapayapaan ng kanyang kaluluwa.