Cultural

Arsobispo, naalarma sa tumataas na kaso ng suicide

Naaalarma ang isang Arsobispo sa patuloy na pagdami ng kaso ng suicide o mga taong pinipiling wakasan ang kanilang buhay.

Naglabas ng Pastoral Statement on Suicide si Archbishop Jose Advincula ng Archdiocese of Capiz upang hikayatin ang mga mananampalataya at ang buong lipunan na magtulong-tulong upang mapigilan ito.

Ayon sa Arsobispo, kinakailangang malaman ng mamamayan na ang mga taong pinipiling wakasan ang kanilang buhay ay may mga mabibigat na suliranin.

Inihayag ng Arsobispo na maaaring ito ay dahil sa kakulangan ng suporta ng pamilya, mga kaibigan, o di kaya ay nakararanas ng bullying o pangmamaliit ng kapwa, at iba pang mga problema sa kanilang relasyon.

“It is not right to play gods and to judge these persons who died by suicide. What we can do is to pray and entrust them the mercy and love of God.” Bahagi ng liham pastoral ni Abp. Advincula.

Iginiit ni Archbishop Advincula na napakahalaga ang suportang manggagaling sa pamilya, paaralan, pamahalaan at sa simbahan para sa nakakaranas ng depresyon.

Hinikayat nito ang mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya na maging malapit sa isa’t-isa at kumustahin ang kanilang kasama.

Sinabi ng Arsobispo na makabubuti ang madalas na pakikinig at pakikipagkwentuhan upang matukoy kung mayroong pinagdaraanan ang isang miyembro sa pamilya.

Kaugnay nito, hinamon ni Archbishop Advincula ang mga nangangasiwa sa mga paaralan na supilin ang “culture of bullying” o ang pangungutya at pangmamaliit ng kapwa.

Aminado ang Arsobispo na magiging mas epektibo ito kung tutulong ang pamahalaan at simbahan sa pagkakaroon ng mga suicide prevention programs.

Tiniyak naman ng Arsobispo na laging nakahanda ang simbahan upang magbigay ng moral at ispiritual na suporta sa mga taong dumaraan sa pagsubok at nakararanas ng depresyon.

Hinimok nito ang mga may suliranin sa buhay na huwag mahiyang makipag-usap sa mga pari, o sa sinumang kanilang pinagkakatiwalaan upang hingin ang payo sa kanilang pinagdaraanan.

“As church, we are called to cultivate the culture of presence. Being present with anyone, letting them feel that we are with the especially when they are burdened would matter so much.” Dagdag pa ng Arsobispo.

Ayon sa World Health Organization, umaabot sa 800-libo ang mga taong nagpapatiwakal taun-taon.

Katumbas ito ng isang taong nagpapakamatay kada 40 segundo.