Disaster News

Archdiocese of Tuguegarao, nanawagan ng panalangin at tulong.

Nagsisimula na ang Archdiocese of Tuguegarao sa kanilang relief operations kasunod ng paghupa ng tubig sa malaking bahagi ng lalawigang nalubog sa baha dulot ng bagyong Quiel.

Ayon kay Fr. Jerry Perez, vicar general ng Archdiocese ng Tuguegarao, nagsisimula na ring magbalik sa kanilang mga tahanan ang mga nagsilikas sa patuloy na pagbuti ng panahon.

“Of course limited ang aming relief operations. Pero we are doing our best to assist our people. Nanawagan kami sa tulong nyo, sa prayers. We are asking for your prayers so our people will be kept safe,” ayon kay Fr. Perez.

Sa kabila nito, naghahanda na rin ang arkidiyosesis at local na pamahalaan ng Tuguegarao sa iba pang pangangailangan ng mga residente sa posibleng muling malalakas na pag-ulan at pagtaas ng tubig sa panibagong sama ng panahon na papasok sa bansa.

“Nagkakaroon na po ng warning ng local government na we are bracing for the worst and hopefully all our advance… would be in place,” dagdag pa ni Fr. Perez.

Unang inihayag ng pari na may 20 bahay ang natangay ng malakas na pag-agos ng tubig sanhi ng malakas na pag-ulan.

Hiling din ng pari ang patuloy na panalangin at tulong para sa iba pang mga nasalanta ng bagyong Quiel.

Una na ring nagdeklara ng state of calamity ang lalawigan ng Cagayan dulot ng malawakang pagbaha habang naitala din ang apat na nasawi, isa ang nawawala at umabot sa 7 libo katao ang lumikas sa 72 mga evacuation centers.