Muling nakiusap ang Archdiocese of Manila sa mga deboto ng Poong Hesus Nazareno na huwag dumagsa sa Minor Basilica of the Black Nazarene sa halip ay tangkilin ang mga handog na Novena Masses ng iba’t-ibang parokya para sa Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno sa buong bansa.
Ito ang apela ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa paggunita ng kapistahan ng Poong Hesus Nazareno sa ika-9 ng Enero.
Ayon sa Obispo, iaalay rin ng mga Simbahan ang mga misa para sa kapistahan ng Poong Hesus Nazareno na maaring daluhan ng mga deboto upang hindi na kailanganin ng mga ito na sadyain pa ang Quiapo Church na mayroon lamang din limitadong bilang ng mananampalataya na maaring makapasok bilang pagsunod sa 30-porsyento ng kapasidad ng Simbahan na ipinatutupad ng pamahalaan.
“Mayroong mga misa sa iba’t ibang Simbahan at dito malapit po yung Simbahan ng San Sebastian, malapit ang Simbahan ng Santa Cruz nandyan din po yung San Lorenzo Ruiz sa Binondo at iba pang mga Simbahan na nagsasagawa rin ng pagmimisa para sa Poong Hesus Nazareno. Ang paki-usap ko sana sa mga deboto huwag lang tayong magdagsaan sa Basilica ng Quiapo kasi maraming mga Simbahan ang nagmimisa rin para sa Poong Nazareno…” panawagan ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Inihayag ni Bishop Pabillo na ang pagmamahal kay Hesus ay naipapakita rin sa pamamagitan ng pagmamahal sa kapwa at pagkawanggawa.
Sinabi ng Obispo na dapat mabatid ng mga deboto na bukod sa nakagawiang Traslacion na paraan ng pagpapahayag ng debosyon sa Mahal na Poong Hesus Nazareno ay maipapahayag rin ang pagmamahal sa kapwa sa pamamagitan ng pagtiyak ng kanilang kaligtasan mula sa COVID-19.
Tinukoy din ni Bishop Pabillo ang pagsunod ng mga magtutungo sa Quiapo Church sa minimum health protocols na ipinatutupad bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 virus kabilang na ang pagsusuot ng facemask, face shield at pagtiyak ng physical distancing.
Inihayag rin ng Obispo na maituturing din na pagmamahal kay Hesus ang pagmamahal at pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan.
“Ang pagmamahal natin kay Hesus ay naipapakita rin natin sa ating pagmamahal sa ating kapwa that we cause no harm sa kanila at yan po yung mga physical distancing, yung mga ating pagsusuot ng mga facemask. Pakiusap ko sa mga tao na magpapahayag ng kanilang debosyon sa Poong Hesus Nazareno ang pagmamahal natin sa Diyos ay napapakita sa pagmamahal natin sa ating kapwa at napapakita din sa pagmamahal natin sa ating kapaligiran sa kalikasan. Kaya po sana yung mga dala dala nating basura, yung mga bote, yung mga plastic huwag nating basta basta itapon so tanda din yan ng ating pagmamahal sa kalikasan na ginawa rin ng Diyos…” pakiusap ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Giit ng Obispo hindi dapat paghiwalayin ng mga deboto ang pagmamahal kay Hesus sa pagmamahal sa kapwa at sa pangangalaga sa kalikasan.
Ipinaalala ni Bishop Pabillo na dapat na maging dahilan ang pagdidebosyon ng pagkakasakit ng iba at pagkalat ng virus sa bansa.
Batay sa ipinatutupad ng I-A-T-F na 30-porsyento ng kapasidad ng Simbahan, tanging 400-deboto lamang kada misa ang papayagan sa loob ng Quiapo Church.
Sa kapistahan ng Poon, 15 Novena Masses ang inihanda ng Quiapo Church simula alas-kwatro y medya ng madaling araw hanggang alas-dyes kinse ng gabi.
- Pagkilala kay Mayor Sotto bilang International Anti-Corruption champion, hamon sa mga pulitiko sa Pilipinas - Friday, February 26, 2021 3:13 pm
- Exercise prudence, payo ng Military Ordinariate of the Philippines sa PNP at PDEA - Friday, February 26, 2021 11:04 am
- May hangganan ang pang-aabuso sa kapangyarihan, mensahe ng EDSA revolution - Friday, February 26, 2021 9:53 am
- [email protected], mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas - Thursday, February 25, 2021 2:16 pm
- Iwaksi ang katiwalian, patuloy na mensahe ng EDSA People Power - Thursday, February 25, 2021 12:38 pm
- Income inequality, nararanasan pa rin sa Pilipinas 35-taon makalipas ang EDSA People Power revolution - Monday, February 22, 2021 10:35 am
- Mamamayan sa Taal volcano, pinayuhang patatagin ang pananampalataya sa Panginoon - Friday, February 19, 2021 3:10 pm
- Samahan sa Hesus patungo sa Herusalem, paanyaya ni Cardinal Tagle ngayong Kuwaresma - Friday, February 19, 2021 11:41 am
- Paglapastangan sa 2-kapilya sa Prelatura ng Isabela de Basilan, kinundina - Thursday, February 18, 2021 1:50 pm
- Suriin ang sarili ngayong Kuwaresma, panawagan ng CBCP sa mga kabataan - Thursday, February 18, 2021 11:32 am