Disaster NewsLatest News

Archdiocese of Lipa, may nakahanda ng ‘contingency plan’ sa paglala ng sitwasyon ng bulkang Taal

Naghahanda na ng contingency plan ang Archdiocese ng Lipa, Batangas sakaling mas lumala pa ang sitwasyon ng bulkang Taal.

Ito ang inihayag ni Fr. Jayson Siapco ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission o LASAC pitong araw makaraan ang pagliligalig ng bulkan na nagsimula noong Linggo.

“Naghahanda na rin kami at meron na rin kaming mga contingency plans para sa sunod na phase if ever na sumabog ng malakas at kung hindi man laging may recovery phase at rehabilitation program ang archdiocese para sa mga nasalanta, survivors natin,” ayon kay Fr. Siapco.

Bukod sa simbahang Katolika, inihayag din ni Fr. Siapco na tatlo pang faith denomination ang nagbukas ng kanilang mga pinto para sa mga evacuees ng Batangas, gayundin ang mga privately owned resort na nagpatuloy ng kanilang mga kababayan.

PANGUNAHING PANGANGAILANGAN

Hiling ngayon ni Fr. Siapco sa mga nais na magdonate ay gamot, toiletries, banig at kumot dahil na rin sa dami ng mga tao lalu na sa mga evacuation centers.

“Sa pagkakataong ito, alam naitn na hindi madaling tumira sa evacuation centers. Alam nyo ang immune system humihina dahil hindi normal ang sitwasyon, marami na ang nagkakasakit lalu na ang mga bata. Kaya kailangan natin mga basic medicine. Ubo, sipon, lagnat.”

PSYCHOLOGICAL FIRST AIDERS

Inihayag pa ni Fr. Siapco na bukod sa relief operations, kabilang din sa ginagampanan ng LASAC ang pangangailangan espiritwal ng mga evacuees maging ng mga volunteers.

“Hindi lamang ito humanitarian response, ginawa naming holistic nandun ang para sa kaluluwa, kailangan may psycho-social intervention. Meron din ang archdiocese na dineploy na 120 PFA’s (Psychological First Aiders) na tina-train sometime in January 1,” ayon pa sa pari.

Sinabi pa ni Fr. Siapco, tuwing alas-11 ng umaga ay may misa ring ginanap sa mga evacuation centers ng pinangasiwaan ng LASAC.

Sa pinakahuling tala, may 142 libong katao na ang bilang ng evacuees na nasa 439 evacuation centers.