Disaster News

Archdiocese of Iloilo, nagpaabot ng pakikiramay sa mga nasawi sa pumpboat tragedy

Nagpahayag ng kaniyang pakikiisa at pakikiramay si Jaro, Iloilo Archbishop Romeo Lazo sa mga biktima ng Iloilo-Guimaras pumpboat tragedy.

Ayon sa arsobispo, nagdadalamhati ang simbahan sa pagkamatay ng 31-pasahero ng tumaob na bangka sa kasagsagan ng masamang panahon.

Tiniyak din ni Archbishop Lazo ang panalangin sa katiwasayan ng kaluluwa ng mga nasawi gayundin ang kalakasan para sa kanilang naiwang pamilya.

“We condole the families of those victims who died, and we symphatize with those who survived the accident. We assure you of our prayers and include you in our masses,” ayon kay Archbishop Lazo.

Hinimok din ng arsobispo ang mga mananampalataya ng Iloilo na magbigay ng kaukulang tulong sa pamilya ng mga biktima at nagpapasalamat na rin sa mga kagawad ng search and retrieval operations.

“We encourage our local parish communities and generous parishioners to help the people affected by this tragedy,” ayon pa sa inilabas na pahayag ng arkidiyosesis.

Panawagan din ng arkidiyosesis sa pamahalaan na gumawa ng hakbang upang hindi na maulit pa ang trahedya sa dagat.

“We call on the government for immediate action to prevent these accidents happen again,” ayon sa pahayag ni Archbishop Lazo.

Ika-3 ng Agosto nang maganap ang trahedya kung saan tatlong pump boat ang tumaob sa Guimaras strait lulan ang mga biktima.

Nagbigay naman ng P50,000 ang Pangulong Rodrigo Duterte bilang tulong sa mga naulila ng mga nasawi.