Cultural

Archbishop Caccia, sinaksihan ang ‘March of the Saints’

Binigyang pagpupugay ng mga kabataan sa iba’t-ibang Parokya ang mga Santo sa pamamagitan ng pagbibihis na tulad sa mga ito.

Nakiisa si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop. Gabriele Giordano Caccia sa isinagawang March of the Saints ng Good Shepherd Parish sa Diocese of Parañaque.

Isinagawa ang March of the Saints noong ika-27 ng Oktubre, alas 2:30 ng hapon na at sinundan ito ng banal na misa nang alas 6:00 ng gabi.

Ito ay bahagi ng paggunita ng Parokya sa nalalapit na ‘All Saints Day’ upang bigyang pagkilala ang mga banal na naglingkod sa Simbahan at patuloy na nagiging inspirasyon para sa mga mananampalataya.

Layunin din nito na mahimok ang mga kabataan na tularan ang naging buhay ng mga Santo at makibahagi sa kanilang kabanalan upang lalo pang mapalapit ang bawat isa sa Panginoon.

Kasabay ng March of Saints, binuksan din ang ‘Year of the Youth sa Good Shepherd Parish’ at inaasahang lalo itong magbibigay ng inspirasyon at kalakasan sa paglilingkod ng mga kabataan.

Pinangunahan naman ng Youth Ministry ng San Felipe Neri Parish (SFNP) sa Mandaluyong ang pagdaraos ng ika-anim na taon ng kanilang Holy-Win: Dress Like A Saint Contest noong linggo ika-28 ng Oktubre.

Ayon sa Youth Ministry, layunin ng kanilang grupo na hikayatin ang mga bata at kabataan na tularan ang mga banal sa halip na magsuot o gayahin ang mga nakakatakot na imahe.

Maliban sa pagdadamit na tulad ng sa mga banal umaasa din ang Youth Ministry na ang ganitong aktibidad ay makakahikayat sa bawat mananampalataya na maging sa pag-uugali ay masalamin din sa bawat isa ang kabanalan.

“Each area, Ministry, and Organization of the Parish, together with the Parishioners, where highly encourage to participate in the activity to replace the secular celebration of the Halloween with a Sacred and meaningful one and to encourage the children, the youth and the adults to become Models of Holiness by imitating the Saints,” bahagi ng pahayag ng SFNP Youth Ministry

Ang Holy-Win: Dress Like A Saint Contest ay nagkaroon ng tatlong kategorya, ang una ay Children’s Category na mula edad 5 hanggang 12, sumunod naman ang Youth Category na may edad 13 hanggang 25 at ang Adult Category na 26 na taong gulang pataas.

Umabot sa 63 ang bilang ng mga sumali sa pagtitipon na nagmula sa walong iba’t-ibang organisasyon sa parokya.

Nagsimula ang pagtitipon sa pagmamartsa at pagpapakilala sa bawat kalahok, sinundan ito ng pagdiriwang ng Banal na Misa sa pangunguna ni Father Hans Magdurulang, Parochial Vicar ng San Felipe Neri Parish, at matapos ito ay binigyang parangal ang sampung napiling nagwagi sa patimpalak.