Wala nang babayarang fixed-rate o arancel ang mga mananampalataya sa pagtanggap ng mga sakramento sa mga parokya sa mga simbahan ng Maynila.

Ito ay bilang tugon sa inilabas na pastoral letter ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na sinusugan din ng pastoral decree.

Ayon kay Bishop Broderick Pabillo-Apostolic Administrator ng Archdiocese of Manila ang pagtatanggal ng fixed-rate ay ipapatupad sa April 14 kasabay na rin ng paggunita ng Pilipinas sa kauna-unahang binyag na ginanap sa Cebu noong 1521.

“Napagkasunduan po ng CBCP na tanggalin na rin. Nagkaroon po ng pastoral letter ang CBCP nung nakaraang taon at dito sa Metro Manila nung 2017 nagkaroon din ng sulat ang mga Obispo na iyan ay dahan-dahang tanggalin. Ang problema lang dahil sa walang time frame,”ayon kay Bishop Pabillo.



Kabilang sa mga tinanggal ang arancel sa binyag, kumpil at pagpapamisa.

“Kaya gumawa na tayo ng pastoral decree na gawin natin sa April 14 na wala ng arancel sa binyag, kumpil at ganoon din po sa pagpapamisa,” ayon kay Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.

Ang Archdiocese of Manila ay binubuo ng 86 na parokya na may higit
sa tatlong milyong mananampalataya.

“yung sa kasal dahan-dahang tatanggalin na rin yan kasi masalimoot marami pang binabayaran na hindi naman bahagi ng kasal talaga, tulad ng bulaklak, kumakanta sa kasal kaya’t marami pang gagawin nap ag-uusap diyan,” dagdag pa ng obispo.

Bukod sa Maynila, ipinapatupad na rin ang pagtatanggal ng arancel system sa Archdiocese ng Lingayen-Dagupan, Diocese ng Balanga at iba pang mga diyosesis sa buong bansa.

Hinihikayat naman ng CBCP ang mga mananampalataya na magbigay ng donasyon sa abot ng kanilang makakaya bilang tulong sa mga gastusin sa parokya at suweldo ng mga kawani ng simbahan.