Cultural

Anibersayo ng Tulay ng Kabataan Foundation, pangungunahan ni Cardinal Tagle

Pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang banal na misa sa anibersaryo ng Tulay ng Kabataan Foundation o ANAK-Tnk ngayong ika-3 ng Nobyembre.

Magdaraos ng banal na misa ang Kanyang Kabunyian sa Ateneo De Manila Highschool, Quezon City kasama ang 2,000 mga street children bilang paggunita sa ika-20 taong anibersaryo ng Kabataan Foundation.

Bukod sa materyal na pagtulong, pangunahing layunin ng ANAK-Tnk ay maibalik ang dignidad ng mga bata at matatandang palaboy sa lansangan.

Bukod dito, ipakikita din sa pagtitipon ang masidhing pagnanais ng simbahan na lalong mapalapit at makatulong hindi lamang sa mga bata kungdi sa mga matatandang mahirap at inabandona sa lansangan.

“More than material help, our mission is to give them back their Dignity showing them that they can love and be loved.” pahayag ng Tulay ng Kabataan Foundation.

Taong 1998 nang magsimula ang ANAK-Tnk at sa kasalukuyan ay umabot sa 54,000 ang mga kabataang natulungan nito.

Sa ilalim ng Foundation ay mayroong limang programa na naglalayong pataasin ang moral at dignidad ng mga bata, may kapansanan at mga inabandona sa lansangan.

Sa kabuuan umaabot sa 1,300 mga bata at matatanda ang kinukupkop sa 30 centers ng ANAK-Tnk taun-taon.

Samantala, inaanyayahan naman sa pagdiriwang ngayong anibersaryo ng Tulay ng Kabataan Foundation ang iba pang Non-government organizations na tumutulong din sa mga batang palaboy.

Magsismula ang pagdiriwang ng alas otso ng umaga at matapos ang registration ay magkakaroon ng sports tournament para sa mga bata, alas sais ng gabi gaganapin ang banal na misa na susundan naman ng salu-salo.