Ito ang pangangaral ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa kanyang official Facebook page na Socrates B. Villegas kaugnay sa nakaakdang halalan sa bansa.

Ayon sa arsobispo, ang vote buying ay marka ng demonyo kung saan tinutukso at pinipresyuhan ng mga kandidato ang pagkatao ang mga botante lalo na ang mga mahihirap kapalit ang kanilang boto tuwing halalan.

Ipinaliwanag ni Archbishop Villegas na ang halaga ng bawat tao ay nagmula sa Diyos at hindi matatawaran ng anumang halaga na iniaalok ng mga kandidato tuwing halalan.

“Ang halaga ng tao ay galing sa Diyos. Marka Diyos ang bawat tao. Kamukha ng Diyos. Mahal ng Diyos. Iniligtas ng Diyos. Marka demonyo ang vote buying. Pinepresyohan ng vote buyer ang pagkatao ng botante. Mas grabe ang vote buyer marka ng demonyo kapag ang pinepresyohan at tinutukso ay ang mahihirap.” pahayag ni Archbishop Villegas.

Ipinaalala ni Archbishop Villegas na ang pagbili ng boto ng mga kandidato ay isang uri ng pang-aabuso at pagsasamantala sa dangal ng boto.

Giit ng arsobispo ang vote buying ay isang kasalanan sa Diyos at sa bayan kung saan bukod sa mayroon itong marka ng demonyo ay isa rin itong marka ng pagiging traydor sa bayan.

“Anumang gawin natin sa dukha ay kay Jesus ginagawa. Ang boto ay dangal. Kapag malaya ang desisyon sa pagboto, ang dangal ay nagiging dasal sa Diyos. Kapag ni-rape ang dangal ng boto at pinresyohan, ang politiko ay nagiging Diyus-diyosan at ang botante ay sumasamba bilang mga tanga-hanga, mas mababa pa sa tagahanga. May marka demonyo ang vote buying. Kasalanan sa Diyos. May marka traydor sa bayan ang vote buying. Kasalanan sa bayan.” Ayon pa kay Archbishop Villegas.

Binigyan diin ng Arsobispo na ang pagbili ng mga kandidato ng boto ng mga botante tuwing halalan ay isang uri ng katiwalian na kinakailangang maiwaksi.

Hinimok ni Archbishop Villegas ang mga botante na manindigan laban sa anumang uri ng katiwalian sa halalan.

Partikular na tinukoy ni Archbishop Villegas ang tinuran ng Santo Papa Francisco na hindi matitigil ang kurapsyon at katiwalian sa lipunan kung mananahimik lamang ang taumbayan at hindi magsasalita.

Patuloy ang panawagan ng Simbahan sa may 63-milyong botante para sa pagpapairal ng One Godly Vote sa nakatakdang 2022 National and Local Elections.