Veritas Editorial

Ang bagong anyo ng Boracay

Mga Kapanalig, nakatakdang muling buksan sa mga turista ngayong linggo ang Boracay matapos ang anim na buwang rehabilitasyon. Matatandaang isinara ito ilang buwan matapos tawagin ni Pangulong Duterte na “cesspool” o mala-poso negro ang isla dahil sa hindi maayos na daluyan ng duming napupunta sa dagat.

Sa isang banda, sang-ayon ang layunin ng rehabilitasyon ng Boracay sa prinsipyo ng integrity of creation o karangalan ng sangnilikha, isa sa mga batayang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan. Talaga namang nangangailangang isalba ang itinuturing na pinakamagandang isla sa Pilipinas dahil na rin sa mahabang panahon ng pag-abuso ng mga negosyo at matinding komersyalismo sa lugar. Sa mga kapitbahay natin sa Timog Silangang Asya, ginagawa rin ang pansamantalang pagpapasara ng mga sikat na tourist spots upang kahit papaano ay mabigyan ng pagkakataon ang kalikasang huminga, ‘ika nga.

Ayon sa kalihim ng Department of Tourism, hindi pa tapos ang rehabilitasyon ng Boracay. “Sustainable tourism” daw ang ipatutupad sa Boracay upang maipagpatuloy ang rehabilitasyon ng isla. Ibig sabihin, kokontrolin ang pagpasok ng mga turista, at titiyaking sapat ang mga pasilidad upang pangasiwaan ang basura at duming iiwan ng mga bibisita roon. Magiging mahigpit din daw ang pamahalaan sa mga hotels; tanging ang mga hotels na may sariling sewage treatment facility ang pahihintulutang mag-operate doon. Mahigpit na ring ipagbabawal ang pagtatayo ng anumang istruktura sa loob ng 30-kilometer easement zone, gayundin ang pagtatanghal gamit ang mga bagay na nagdudulot ng polusyon gaya ng fire dancing. Lilimitahan na rin ang mga water activities at iba pang malalaking aktibidad sa dalampasigan. Gayunman, sa unang araw ng pagbubukas sa dalampasigan ng Boracay sa mga taga-Aklan noong nakaraang linggo, nakalusot pa rin ang mga pasaway na nagtapon ng basura kung saan-saan.

Sa kabilang banda, ang layuning pangalagaan ang kalikasan ay hindi dapat hiwalay sa pagtiyak na napakikinggan ang boses ng mga mismong apektado nito, lalo na ang mga nawalan ng hanapbuhay. Magkatimbang ang prinsipyo ng integrity of creation at ang mga prinsipyo ng subsidiarity at people empowerment na mahalaga rin sa mga panlipunang turo ng Simbahan.

Ngunit alam naman nating sa anim na buwang itinagal ng rehabilitasyon ng Boracay, sadyang isinantabi ng pambansang pamahalaan ang mga nasa lokal na pamahalaan. Bagamat dapat silang papanagutin dahil sa kanilang kapabayaan, hindi dapat nawalan ng papel ang lokal na pamahalaan at ang mga kinatawan ng mga residente ng Boracay. Ngunit pagmamalaki ni Pangulong Duterte, naging matagumpay ang isinagawang rehabilitasyon dahil pinangasiwaan ito ng mga retiradong heneral na pinuno ngayon ng DENR at DILG. Hindi raw magiging posible ang paglilinis sa Boracay kung iaatang ang trabahong ito sa lokal na pamahalaan. Mukhang wala talagang tiwala ang pangulo sa kakayahan ng mga nasa lokal na pamahalaan na ayusin ang problema sa kanilang nasasakupan.

Samantala, mistula namang “sacrificial lambs” ang aabot sa 4,000 manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng Boracay. Mayroong binigyan ng cash-for-work na umabot lamang ng isang buwan. May mga pinili na lang na umalis at lumipat sa ibang lugar, o kaya naman ay dumiskarte sa ibang trabaho para lamang may maipantustos sa kanilang mga pangangailangan. Ngayong magbubukas na muli ang Boracay, hindi pa rin malinaw kung makababalik pa sila sa kanilang trabaho. Pinakinggan ba ang kanilang boses sa pagbubuo ng plano para sa rehabilitasyon ng Boracay? Makatarungan bang isakripisyo ang kabuhayan ng mga maliliit na manggagawa upang maisagawa ang hindi pa rin natatapos na paglilinis ng Boracay?

Mga Kapanalig, nawa’y hindi lamang ang malalaking negosyante ang makinabang sa pagbabagong-anyo ng Boracay. Habang tinitiyak na nasa maayos na kalagayan ang kapaligiran ng Boracay, huwag sanang kalimutang may mga maliliit na taong nasa likod ng turismong bumubuhay sa Boracay at sa ekonomiya ng ating bansa.

Sumainyo ang katotohanan.