Environment

Aksyon, hindi salita ang kailangan para mapigilan ang climate change

sun-620x264

Hinamon ng Philippine Movement for Climate Justice ang mga pinuno ng bawat bansa na magsagawa ng mabilis na aksyon upang mapigilan ang Climate Change.

 

Ayon kay Gerry Arances – national Coordinator ng grupo, matagal nang tinatalakay ang usapin ng Climate Change kaya naman panahon na upang pangunahan ng gobyerno ang isang kongkretong programa para sa komunidad.

 

“Simple ang panawagan ng mamamayan sa ating gobyerno at sa mga lider ng iba’t ibang bansa na tama na ang patumpik-tumpik, tama na ang pag-uusap, panahon na ng aksyon, panahon na ng fundamental na mga pagbabago na kinakailangan tulad ng Sambayanang Filipino,” pahayag ni Arances sa Radyo Veritas.

 

Iminungkahi rin ni Arances sa pamahalaan, na sa halip na mag-invest sa dirty energy o mga coal fired power plants, ay pagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad sa renewable energy ng bansa.

 

Sa tala ang Pilipinas ay nagtataglay ng 76,000 megawatts hydropower, 10,500 geothermal at 236 megawatts solar energy.

 

Magugunita ring ilang araw bago magbukas ang Climate Change conference of Parties sa Paris ay nagsagawa ng makasaysayang pagkilos ang mga mamamayan sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan nagsama-sama ang milyun-milyong tao mula sa iba’t ibang sector ng lipunan na apektado ng Climate Change.

 

Sa Laudato Si ni Pope Francis, binigyang diin nito na ang usapin sa Klima ay hindi lamang isyu na dapat tugunan ng iilan, bagkus dapat itong harapin ng bawat tao magkakaiba man ang relihiyon o katayuan sa buhay.