politics

Administrasyong Duterte, natatakot sa UNHRC investigation

Inihayag ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na tila may itinatago ang pamahalaan dahil sa pagtutol na magsagawa ng imbestigasyon ang United Nations Human Rights Council sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs, ito ang magandang pagkakataon na mapatunayan ng kasalukuyang administrasyon na walang anumang paglabag sa karapatang pantao ang Pilipinas.

“I think this the opportunity for the government also to clarify issues and to instill the minds of the Filipino na wala naman talagang nangyayaring violation of the human rights,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.

Magugunitang pinaboran ng UNHRC ang resolusyong isinusulong ng Iceland kasabay ng ika 41 pagpupulong sa Geneva Switzerland noong ika – 11 ng Hulyo kung saan 18 sa 47 mga kasaping bansa ng UN ang bumoto pabor dito.

Sa dalawang pahinang resolusyon kinakailangan gumawa ng report si UN human rights chief Michelle Bachelet tungkol sa usapin ng mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas bunsod ng giyera kontra droga.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo hindi wasto ang nilalaman ng resolusyon at walang basehan ang mga impormasyong nakuha ng UN.

Aniya, ang inaprubahang resolusyon ng UN ay upang ipahiya ang Pilipinas sa pandaigdigang komunidad subalit sinabi ring pag-aralan ng pangulo ang mga dokumento bago mag desisyon kung papayagang ipagpatuloy ang imbestigasyon.

Iginiit ni Fr. Secillano na sa gagawing imbestigasyon ng independent body ay matutukoy ang katotohanan sa kabila ng mga alegasyong kinakaharap ng pamahalaan.

“Kung tutuusin ito ay imbestigasyon lang naman ee, so madedetermina dito kung ano ba talaga ang totoo sa likod ng mga pangyayaring yan. Yun nga lang hindi natin binibigyan ng pagkakataon yung sana magtutukoy sa katotohanan,” dagdag pa ng Pari.

Umaasa si Fr. Secillano na lalabas ang katotohanan sa mga pangyayari para na rin sa kapakanan ng mga Filipino kaya’t hiling na hayaan ang UN na magsagawa ng imbestigasyon para mabigyang linaw ang lahat ng usaping kinasasangkutan ng administrasyong Duterte partikular sa usapin ng karapatang pantao.

“Kung talagang totoo yung kanilang claim na walang violation of human rights, let other parties determine the veracity or the truth about it, but not the government because there are alegations coming from Filipinos themselves that indeed there are violations of human rights,” saad pa ni Fr. Secillano.

Sinabi pa ng opisyal na kung mag-imbestiga ang Human Rights ng UN ay marapat tanungin ang mismong mga pamilya ng mga biktima ng giyera kontra droga ng pamahalaan na batay sa tala ng iba’t ibang human rights group umabot na sa higit 20 libong katao ang nasawi subalit sa tala ng PNP ay higit sa 6 na libo lamang ito.

Patuloy naman ang adbokasiya ng Simbahang Katolika na itaguyod ang karapatang pantao sa kabila ng pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot sa lipunan at hinimok ang pamahalaan na palawakin ang mga programang pang rehabilitasyon sa mga indibidwal na nalulong sa iligal na droga.