500 Years of Christianity Countdown

July 22, 2020-2:05pm

Mga ginawa at gagawin ng pamahalaan bilang tugon sa pandemyang nararanasan ng Pilipinas ang nais na marinig ni Manila Apostolic Bishop Broderick Pabillo sa nakatakdang ika-5 State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa obispo, ito ang pangunahing suliranin ng bansa sa kasalukuyan na nagbunsod na rin sa krisis sa ekonomiya, trabaho at sa sektor ng edukasyon.

“At hindi lang ito maliit na problema. Kasi iba pa iyong mga nagugutom na, iba pa iyong mga nawalan ng trabaho. Iba’y nawalan ng kinabukasan. At dahil dito ay pati ang kabataan ay tinatamaan dahil sa pag-aaral nila, at sa trabaho, iyong mga nag-graduate, Di makakita ng trabaho. Kaya malaki ang problema na dapat pagtuunan, at sana, may solusyon ang gobyerno sa mga pangyayaring ito,” ayon sa pahayag ni Bishop Pabillo.

Kinondena rin ng obispo ang kasalukuyang tugon ng pamahalaan na paglalagay ng pulis at militar sa krisis pangkalusugan na hindi naman matutugunan ng baril at bala kundi ang pagbibigay ng tamang kaalaman sa publiko.

Ayon sa obispo, iginigiit ng gobyerno na pasaway ang mga Filipino na siyang dahilan ng pagdami ng nahahawaan ng Covid-19.

Tulad na lang dito ang naging tugon ng pamahalaan sa problema ng ilegal na droga na hanggang ngayon ay nanatili pa rin sa bansa sa kabila ng higit sa 30-libong napatay na may kinalaman sa droga.

“Hindi ba nangako siya noong bago mag-eleksyon, na magreresign siya after six months kung hindi matanggal iyong droga. Four years na, pero andiyan parin. Hindi naman bumawas after having killed around 30,000 na mga tao. Andiyan parin,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.

Ayon sa obispo ang ilegal droga ay isa lamang sa mga pangakong hindi naisakatuparan ng pangulong Duterte, bukod pa ang matagal ng usapin ng kahirapan at kawalan ng trabaho ng Filipino.

Una na ring inanyayahan ni Bishop Pabillo ang mga publiko na makiisa sa panalangin sa isasagawang Mass for Justice and Peace sa araw ng pag-uulat sa bayan ng Pangulo sa Lunes.