Acting President ng CBCP, nanawagan sa mga Obispo na tugunan ang pangangailangan ng mga Pari - Veritas846
500 Years of Christianity CountdownCountdown

Nanawagan ang opisyal ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines sa mga pinunong pastol ng mga diyosesis sa buong bansa na tugunan ang pangangailangan ng mga pari lalo na ngayong pandemya.

Sa panayam ng Radio Veritas kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, ang acting president ng CBCP, hinimok nito ang kapwa obispo na tulungan ang mga pari na nasasakupan upang maiwasan ang pagkalungkot at depresyon.

“I am also calling on my brother Bishops na alalayan din natin ang mga pari natin lalo na ngayong panahon ng pandemya,” pahayag ni Bishop David sa Radio Veritas.

Ang pahayag ng obispo ay kaugnay sa mga naiulat na pagpatiwakal ng ilang lingkod ng simbahan sa Apostolic Vicariate of Calapan Mindoro at nitong huli sa Diyosesis ng Antipolo.

Aminado si Bishop David na hindi ligtas ang mga pari sa kalungkutan sapagkat mga tao rin ito na maaring makaranas at mabiktima ng mental health issues dulot ng pagkabalisa, trauma at iba pang sanhi ng depresyon.

Inihayag ng Obispo na may mga pari na nalulungkot at apektado sa krisis pangkalusugang dulot ng corona virus pandemic sapagkat hindi nagagawa ang tungkulin bilang pastol ng simbahan dahil na rin sa mga limitasyong ipinatutupad upang makaiwas sa pagkahawa.

“Many of them are also very vulnerable; I know some of them feel depressed and very guilty dahil hindi sila makalabas and they cannot attend to their pastoral duties,” dagdag pa ni Bishop David.

Dahil dito hinikayat din ng opisyal ng CBCP ang mga lingkod ng simbahan na maging malikhain sa pag-abot sa mga parishioners gamit ang makabagong teknolohiya sa tulong ng internet at social media.

Naunang sinabi ni Reverend Father Dan Cancino, ang executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care na mahalagang pagtuunan din ng pansin ng lipunan ang pangangalaga sa mental health lalo ngayong panahon ng pandemya.

Batay sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH), aabot lamang sa 33 ang suicide-related calls mula noong Enero hanggang Marso ngayong taon, ngunit nadagdagan ito at umabot na sa 115 tawag noong Hulyo.

Hinimok rin ni Radio Veritas anchor priest Fr. Victor Sadaya, CMF, executive director ng Porta Coeli Center for Psychotrauma Management ang simbahan na magkaroon ng programang pangkalusugang mental para sa mga pari at lumikha ng support group.

Ipinakita naman sa Social Weather Station survey noong Hulyo na 84 porsyento ng mga Filipino ay nakararanas ng stress dahil sa COVID-19 pandemic.

Leave a Reply