500 Years of Christianity Countdown

Tiniyak ng Aid to the Church in Need Philippines ang pakikiisa sa mga nasalanta ng Super Typhoon Rolly sa Bicol region at mga karatig lalawigan.

Ayon kay ACN Philippines National Director Jonathan Luciano, handa ang sangay ng pontifical foundation ng Vatican dito sa Pilipinas na tumulong sa pagbangon ng mga nasalanta ng bagyo partikular na sa pagsasaayos ng mga nasirang Simbahan at mga semaryo.

Sinabi ni Luciano na katuwang ng mga benefactors at mission partners ng ACN Philippines sa buong mundo ay makakaasa ang mga nasalanta ng Super Typhoon Rolly sa Bicol region sa tulong at suporta para sa muling pagbangon ng mga biktima ng Super Typhoon Rolly.

“Patuloy pong nakikiisa sa pakikiramay ang ACN Philippines sa mga kababayan nating nasalanta ng nagdaang bagyong Rolly. Handa po ang ACN, sa pamamagitan ng aming mga bukas palad na benefactors at mission partners sa buong mundo na tumulong sa pagbangon ng ating mga kapatid sa Bicol lalo na po sa pagsasaayos ng mga nasirang Simbahan at seminaryo, tulad ng ginawa naming pagtulong sa mga kapatid natin sa Arkidiyosesis ng Palo na nasalanta ng bagyong Yolanda noong 2013. Makakaasa ang ating mga kapatid sa Bicol na tutulong ang ACN sa kanilang pagbangong muli.” paghayag ni Luciano sa panayam sa Radio Veritas.

Pagbabahagi ni Luciano, nakikipag-ugnayan na ang ACN Philippines kay Legazpi Bishop Joel Baylon at sa Social Action Center ng diyosesis kaugnay sa pagpapaabot ng tulong para sa pagpapaayos ng mga nasirang Simbahan at seminaryo dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Rolly sa Bicol region.

“I have coordinated with Bishop Joel Baylon [of the Diocese of Legazpi], I informed him of ACN readiness to help for the reconstruction of their destroyed churches and the seminary. I am just waiting for communication from their social action director.” Dagdag pa ni Luciano.

Matatandaang isa ang pontifical foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need sa mga kagyat na nagpaabot ng tulong sa mga nasalanta ng Super Typhoon Yolanda sa Eastern Visayas region sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa Arkidiyosesis ng Palo at mga diyosesis na nakakasakop sa lalawigan na nasalanta ng bagyo.