CulturalLatest News

ACN naglaan ng €5M tulong sa mga naglilingkod na pari, madre sa panahon ng pandemya

Naglaan ng Limang Milyong Euro o katumbas ng P270 Milyon ang social arm ng Vatican upang tulungan ang mga pari at madre na patuloy na naglilingkod sa simbahan sa kabila ng banta ng novel corona virus.

Ayon sa Aid to the Church in Need (ACN), kabilang sa bibigyan ng tulong ang mga lingkod ng simbahan sa Gitnang Silangan, Central at Eastern Europe, Latin America, Asya at Africa.

Ang ACN ay ang pontifical charity ng simbahan na pangunahing tumutulong sa mga biktima ng mga inuusig dahil sa pananampalataya.

“It is our wish that this aid, made possible thanks to our benefactors, will help ease the burden on our courageous religious, who stand on the front lines, bringing God’s love and compassion to our suffering brothers and sisters. Now more than ever, the Light and Hope of the Lord is needed,” ayon sa pahayag ni Thomas Heine-Geldern, ACN’s Executive President na nakalathala sa ACN-Philippines website.

Naniniwala ang ACN na sa harap ng pandemyang nararanasan sa buong mundo ay mas higit na kinakailangan ang paglilingkod ng mga pari, madre at mga relihiyoso hindi lamang sa pagkakawanggawa kundi higit ang pangangailangang espiritwal ng mga kristiyano.

“We are united in prayer with the brave and dedicated priests and nuns who give their all to serve the world’s most vulnerable communities, and with all who are suffering around the world.”

Kabilang na dito ang pagbibigay ng mga sakramento lalu na sa mga may karamdamdan at nagtataglay ng nakakahawang sakit.

Sa Pilipinas, nagbukas ang mga institusyon ng simbahan bilang pansamantalang matutuluyan ng mga frontliners at ng mga walang tahanan.

Tinatayang may higit sa 10,000 ang bilang ng mga pari habang higit naman sa 12,000 libo ang women religious (nuns and sisters) na naglilingkod sa 3,354 na parokya sa buong bansa.