223 total views
Naninindigan si Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) Chairman Leody De Guzman na parusa sa mga mangaggawa ang House Bill 6152 o Compressed work week bill.
Ayon kay De Guzman, hindi kailangan ng mga manggagawa ang mas maikling araw na igugugol sa paghahanap-buhay bagkus ay mga programang susugpo sa kontraktwalisasyon at magtataas sa arawang suweldo.
Sinabi ni de Guzman na malinaw na pagsalungat sa pandaigdigang patakaran hinggil sa walong oras ng paggawa ang panuklang batas at palusot lamang ito upang tanggalin ang 30-porsiyento na overtime pay na natatanggap ng mga empleyado sa bawat oras na kanilang ginugugol na lagpas 8-hour work.
“Ang problema n’yan bigay sila ng bigay ng bagay na hindi naman hinihingi ng mga manggagawa. Hindi namin hinihingi na gawing 12 oras ang amin pagtatrabaho sa araw-araw para kami ay makapagpahinga. Iyan ay kanilang palusot para maging normal na sa Pilipinas ang pagtatrabaho ng 12 oras na walang overtime pay,” ani De Guzman.
Sa ilalim ng House Bill 6152, ang isang empleyado ay kinakailangang magtrabaho ng 48-oras sa loob ng apat na araw o katumbas ng 12 oras kada araw kung saan tanging ang manggagawa na magtatrabaho ng higit sa 48 oras ang siyang tatanggap ng overtime pay.
Kaugnay nito ay nangangamba si De Guzman na maaaring samantalahin ng malalaking kapitalista at kompanya ang mga manggagawa at pagtrabahuhin ng higit sa nakatakdang working days.
Mababatid na pumasa na sa huli at ikatlong pagbasa ang panukalang batas.
Higit sa salapi, inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang paglinang sa sariling kakayahan at talento ang mas mahalagang bagay na itinuturo ng paghahanap-buhay sa isang tao.