Environment

300 hektarya ng kagubatan, mawawasak sa Kaliwa dam project

Patuloy ang kampanya ng grupong Save Sierra Madre Network Alliance para pigilan ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam Project, ngayong paggunita sa Save Sierra Madre Day, ika-26 ng Septyembre.

Ayon kay Father Pete Montallana, nangangalap pa rin ng mga pirma ang kanilang grupo na isusumite sa Department of Environment and Natural Resources bilang patunay na maraming mamamayang Filipino ang tutol sa pagtatayo ng dam.

Iginiit ng pari na aabot sa 300 hektarya ng kagubatan ang masisira at maraming katutubo ang mawawalan ng tirahan kung matutuloy ang pagtatayo ng dam.

“Nagkakaroon kami ngayon ng campaign dito sa Baclaran Church simula kaninang alas singko at marami na rin ang pumipirma laban sa Kaliwa Dam na s’yang magpapalubog ng 300 hectares na gubat.” Pahayag ng pari sa Radyo Veritas.

Binigyang diin ni Father Montallana ang kahalagahan ng pangangalaga sa kagubatan hindi lamang para sa mga katutubo kun’di para din sa mga naninirahan sa Metro Manila.

Ang malawak na kagubatan ang pinagmumulan ng oxygen at malinis na tubig na kinakailangan ng bawat tao, at ang mga puno nito ang humihigop sa carbon na nagpapainit ng mundo.
Dahil dito, kasabay ng paggunita sa Save Sierra Madre Day, nanawagan ang pari sa pamahalaan at sa bawat tao na pangalagaan ang lahat ng kabundukan at kagubatan sa buong Pilipinas.

“Kailangan na kailangan na nating ma-preserve ang ating kagubatan ang ating mga kahoy, ang sinasabi ng ating mga Obispo sa kanilang Pastoral Letter noong July 9, Climate Emergency na. Mamulat na ang mga tao na lahat ay kailangan na ngayon para alagaan ang kabundukan, lalo na ang Sierra Madre para sa atin dito sa kamaynilaan at sa lahat sa buong Pilipinas, ang mga kabundukan natin ay aalagaan natin.” Dagdag pa ni Father Montallana.

Matatandaang taong 2012 nang ideklara sa ilalim ng Presidential Proclamation number 4-1-3 ang paggunita taun-taon tuwing ika -26 ng Septyembre sa Save Sierra Madre Day.

Ito ay idineklara matapos maranasan sa Metro Manila ang pinsalang dulot ng bagyong Ondoy noong September 26, 2009.

Sa ilalim ng Save Sierra Madre Day kinikilala ang kahalagahan ng Sierra Madre na panlaban ng Pilipinas sa mga bagyo at pagbaha.

Ang matinding deforestation at pagkasira ng Sierra Madre ang nakitang dahilan ng matinding pagbaha noong 2009 sa Metro Manila, kaya naman layunin ng paggunitang ito na pangalagaan ang kagubatan upang hindi na maulit pa ang nagdaang trahedya.
Naunang nagbabala si Antipolo Bishop Francisco de Leon na 11,000 katutubo ang mawawalan ng tirahan sa Kaliwa dam project.

Read: 11,000 katutubo, mawawalan ng tirahan sa Kaliwa dam project