Disaster News

3 katao,nasawi sa gumuhong gusali ng DPWH sa Mt.Province

Tatlo katao ang kumpirmadong nasawi mula sa may 30 katao na na-trap sa mga gumuhong gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bayan ng Natonin, Mt. Province.

Ang ulat ay kinumpirma ng Office of Civil Defense ng Cordillera Administrative Region.

Sa report ni Mountain Province Ronda Veritas Web Antipala, natabuhan ng lupa ang mga gusali sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rosita dakong alas-5 ng hapon.

Sa kaniyang panayam kay kay Nelio Lallada ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council, hindi bababa sa 30 katao ang nakulong sa natabunang gusali.

Kabilang sa mga na-trap ang 20 trabahador sa ginawang gusali ng DPWH, isang project engineer; 3 security guards at 27 evacuees sa katabing bahay.

“Yung main building is under renovation, and then merong katabi na under construction,” ayon kay Lallada.

Ang mga trabahador ay manggagawa ng dalawang construction firms na RAF at Moments Diagram construction.

“We are waiting for confirmation pa rin. Kasi nahirapan po ang mga responders na makapasok sa area kasi delikado pa,” ayon kay Lallada.

Ligtas naman ang mga Empleyado ng DPWH dahil ang mga ito ay nasa Boarding House sa poblacion area nang maganap ang trahedya.