Ilang mga lugar sa hilaga at kanluran ng Archdiocese of Tuguegarao ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Maring.

Ayon kay Rev. Fr. Andy Semana, Social Action Director ng Arkidiyosesis, tinatayang nasa 14 na Parokya ang napinsala ng bagyo bagamat hinihintay pa nila ang mga datos mula mismo sa mga kaparian ng mga apektadong munisipalidad.

“May mga initial report kami na nakuha na ang Sta. Ana, Gonzaga, Sta. Teresita including Baggao ay binaha then yung papuntang Ilocos ang Abulog, Aparri ang Sanchez Lira at Claveria ay affected din daw naghihitnay kami ng concrete data mula sa kanila,” pahayag ni Fr. Semana sa panayam ng Radyo Veritas.

Ipinagpapasalamat na lamang ni Fr. Semana na hindi tuluyang umapaw ang Cagayan river bagamat posible pa ring tumaas ito sa oras na bumaba na ang tubig galing sa mga lalawigan ng Nueva Viscaya at Isabela.

Sinabi ni Fr. Semana na ngayong umaga ng Martes, ika-12 ng Oktubre ay bahagya nang bumuti ang panahon sa kabisera ng Cagayan habang patuloy na nararanasan ang pabugso bugsong paghangin.

Aminado ang Pari na posibleng mangailangan ng pagtulong ang mga naapektuhan lugar kaya naman naghahanda na ang kanilang tanggapan para sa posibilidad ng agarang relief response.

“Initially ang Arsobispo natin [Archbishop Ricardo Baccay] ay naglaan na ng pondo para kung sakali mangailangan ng relief operation ay may agad tayong maibibigay sa mga pamilya,” dagdag pa ng Social Action Director ng Tuguegarao Archdiocese.

Kaugnay nito, ipinapasalamat din ni Mo. Camille Marasigan FLDP, Social Action Coordinator sa Diocese of Ilagan sa Isabela na walang naging malaking epekto ang bagyo sa kanilang nasasakupan.

Panalangin naman ang hiling ng Social Action Center ng Diocese of Baguio para sa mga naapektuhan ng pagbaha at landslide sa ilang lugar dsa Benguet Province.

Sa kasalukuyan ay patuloy na tinatahak ng Bagyong Maring ang direksyon pa-kanluran at tuluyang nang lalabas ng Philippine Area of Responsibility.

Rowel Garcia

By Rowel Garcia

Rowel Garcia Disaster Coordinator