Veritas Editorial


July 26, 2010

 

Estado ng Bayan

 

Ano na nga ba ang tunay na estado ng bayan?
 
Kung ang pagbabasesehan ang mga pinakahuling datos mula sa surveys, marami pa ring mga Pilipino ang nakakaranas ng gutom.
 
Kung ang pagbabatayan ang budget deficit ng bansa na umabot na sa P196.7 billion, kulang pa rin ang magiging pondo para maisaayos ito.
 
Kung ang pagbabatayan ay ang mga batayang serbisyo ng bayan, hindi pa rin ito sapat upang punan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.
 
Kung titingnan ang estado ng edukasyon, mababa pa rin ang kalidad nito, at marami pa ring mga elementarya at high school students ang hindi makapagbasa at makasulat ng maayos.
 
Kung titingnan ang sweldo at trabaho sa bayan, kulang pa rin ito.
 
Batay sa mga pamantayan na ito, mukhang madilim ang estado ng bayan.
 
Ngunit may isang bala ang bansa na kayang igupo ang mga bagay na nagpapadilim ng ating kinabukasan.
 
Ang ispiritu ng pinoy, lalo ngayong panahon ng pagbabago, ay isang mahalagang sangkap sa transpormasyon ng bayan.
 
Ang pinakamahalagang yaman ng bansa ay ang tao. At kung mataas ang enerhiya ng mamamayan, kung may pag-asa sa puso ng bayan, magugupo ng bayan ang anumang hadlang.
 
Ang tunay na estado ng bayan ay nakasalalay sa mga mamamayan na ito. Ang anumang problema, malaki man o maliit, ay mareresolba ng mas madali at mas mabilis, kung ang mga tao ay nagkakaisa.
 
Sa ganitong pagkakataon, dapat lang mas paigtingin ang panlipunang turo ng Simbahan ukol sa solidarity o pagkakapatiran at dignidad ng bawat tao.
 
Ang dalawang prinsipyong ito, kung magiging motibasyon ng mataas na enerhiya ng mga mamamayan, ay magdadala sa ating sa tunay na maayos, maunlad at mapayapang estado ng bayan.
 
Ito ay panahon ng pag-asa at pagbabago. Gamitin natin ng wasto. Sa liwanag ng kapatiran at dignidad, malayo ang ating maabot, kahit ano pa man ang balakid ang ating kakaharapin.