Samahang Muslim at Kristiyano sa Mindanao, lalong tumatag

Posted on Posted in Cultural

Lalong tumatag ang samahan ng mga Kristyano at Muslim sa Mindanao sa kabila ng patuloy na krisis sa rehiyon.

Ito ang ibinahagi ni Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo sa kabila ng patuloy na pag-iral ng Martial Law sa rehiyon dulot ng bakbakan sa Marawi City.

Ayon kay Cardinal Quevedo, mapayapa ang pamumuhay at samahan ng mga Muslim at Kristiyano sa Mindanao kung saan tila walang pagkakaibang namamayani sa bawat mamamayan na sama-samang nabubuhay ng normal sa araw-araw.

“It’s very good, they are ordinary people, it’s the terrorist are making Muslims and Christians in secure even the Muslims and ordinarily we walk together, we go to market together, children go to school together so parang walang Muslim and Christian sa kanila parang ordinary citizens lang sila…” pahayag ni Cardinal Quevedo sa panayam sa Radio Veritas.

Matatandaang, ika-23 ng Mayo ng idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Martial Law sa Mindanao kasunod ng pag-atake at tangkang pag-kubkob ng teroristang grupong Maute sa Marawi City.

Habang noong ika-22 ng Hulyo ay inaprubahan ng Kongreso sa isinagawang Joint Session ang pagpapalawig sa Batas Militar sa rehiyon hanggang sa ika-31 ng Disyembre alinsunod narin sa naging apela ni Pangulong Duterte.

Saklaw ng umiiral na Martial Law ang 25 lalawigan at 27 lungsod ng Mindanao na may tinatayang aabot sa 30-milyong populasyon na karamihan o mayorya ay mga Muslim kung saan mayroon ring aabot sa 20 arkidiyosesis at diyosesis ang Simbahang Katolika.

Matatandaang una nang binigyang diin ng mga Obispo mula sa Mindanao na hindi maituturing na “religious war” ang nagaganap na kaguluhan sa rehiyon na dulot ng mga teroristang grupong nais maghasik ng kaguluhan at takot sa mga mamamayan.

Gayunpaman, bukod sa kalagayan ng mga apektadong residente sa patuloy na bakbakan sa Marawi City at kaguluhan sa rehiyon ng Mindanao ay patuloy ang panalangin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines para sa kaligtasan at kalayaan ng lahat ng mga bihag ng teroristang grupo kabilang na si Fr. Chito Suganob na siyang Vicar General ng Prelatura ng Marawi.

Sharing is caring
  •  
  •  
  •  
  •  
  •